Advertisers
Isang Japanese national na wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa financial fraud ang dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing dayuhan na si Sato Shohei, 32, ay inaresto noong Abril 24 sa Newport Blvd., Pasay City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) na pinamumunuan ni Rendel Ryan Sy sa bisa ng summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners noong Pebrero.
“He was ordered deported after the Japanese governmemnt sought our assistance in locating and arresting him so he can be deported to his country to stand trial for his alleged crimes,” ani Tansingco.
Sinabi ni Sy na may warrant of arrest na inilabas ang summary court sa Tokyo laban kay Shohei kaugnay ng kasong theft na isinampa laban dito noong Oktubre 2022.
Ayon sa Japanese authorities, nakipagsabwatan umano si Shohei sa pagnanakaw ng pera mula sa mga bank accounts ng mga biktima na ang mga ATM cards ay nakuha nila sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pulis o kinatawan ng financial service agencies.
Kasalukuyang naka-detine si Shohei sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang pagpapa-deport sa kanya pabalik ng Japan.
Inilagay na rin ito immigration blacklist bilang ‘undesirable alien’ upang hindi na muli pang makakabalik ng Pilipinas. (JERRY S. TAN / JOJO SADIWA)