Advertisers
Hindi mabibigo ang mga manggagawang umaasa ng 13th month pay sa gitna ng pandemya makaraang magdesisyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) ukol dito.
Sa Meet the Press- Report to the Nation Online Media Forum ng National Press Club, nitong Biyernes, sinabi ni Alan Tanjusay, spokesperson ng Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines, na natapos na ang kanilang pakikipagdayalogo kina DOLE Sec. Silvestre Bello III at DTI Sec. Ramon Lopez at napagdesisyunan na walang ‘deferment, cancellation at postponement’ ng pagbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa.
Ayon kay Tanjusay, tila nakonsensya si Sec. Bello at na-touch naman si Sec. Lopez sa talumpati ng labor groups kaya’t pumayag ang mga ito na ibigay ang nararapat para sa mga manggagawa na lubhang naapektuhan ng coronavirus disease 2019 pandemic.
Kaisa rin umano nila ang Kilusang Mayo Uno sa pakikipagdayalogo sa gobyerno at mga negosyante at solid ang ipinaglalaban ng lahat ng organisasyon, mapakaliwa, gitna at kanan, pabor sa mga manggagawa.
Sinabi pa ni Tanjusay na nakasaad sa batas na pwedeng ibigay ang kalahati ng 13th month pay sa buwan ng Hunyo at kalahati sa buwan ng Disyembre, basta’t maibigay ito bago o sa mismong araw ng Disyembre 24.
Idinagdag pa ni Tanjusay na umabot sa 7.3M manggagawa ang nawalan ng trabaho batay sa nahagip ng survey ng Philippine Statistics Authority subalit bumagsak din ito nang unti-unting buksan ang ekonomiya.
Sa ngayon umano, nasa 4.2M manggagawa na lang ang walang trabaho subalit malaki pa rin ito kung tutuusin.
Sa naturang bilang, 2.3M lang ang nakatanggap ng cash assistance mula sa gobyerno.
Marami umano sa mga ito ang bumalik sa kanilang trabaho nang walang natanggap na anomang ayuda.
Wala rin umanong job generation ang pamahalaan ngayong panahon ng pandemya.
Nagpasalamat naman ang TUCP kina Sec. Bello at Sec. Lopez sa pangakong hahanapan nila ng pondo sa Department of Finance at Department of Budget and Management ang small and medium enterprises (SMEs) na ‘di kayang magbigay ng 13th month pay para mabigyan ang mga ito ng subsidiya.
Inaalam pa rin umano nila ang kabuuang bilang ng economicallly distressed SMEs.