Advertisers
NITO lamang nakaraang Miyerkules matapos magpulong ang grupong ehekutibo ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict, naitalaga si Vice President Sara Duterte bilang co-vice chairperson ng task force.
Ang sabi ni National Security Adviser Eduardo Año, napagdesisyunan at pinayagang maging isa sa mataas na opisyal ng NTF-ELCAC si Duterte, dahil ito rin ay ang ating Education Secretary.
Nakita raw ng NTF-ELCAC Executive Committee kay Bise Presidente Duterte ang sinserong pamumuno sa sangay ng edukasyon nang lantaran nitong balaan ang mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF na huwag pasukin ang mga paaralan.
Isa pa, si Sara ay dating local executive o Mayor na pihadong nakapagbigay sa kanya ng karanasan kung paano mamuno at labanan ang mga nagtatangkang agawin ang pamahalaan.
Ang task force na nasa ilalim ng Office of the President, na siya ring Chairman ng NTF-ELCAC, ay pihadong mailalagay muli sa maayos na pamamalakad lalo na kung ang Vice Chairman ay si Inday Sara.
Sa aking pananaw malaking tulong si Inday Sara sa task force dahil hanggang sa ngayon ay nakikipaglabanan ito sa mga CPP-NPA-NDF. Sinasabayan niya ang mga pahayag ng mga komunistang-terorista nang mas maaanghang na statement.
Ngunit sa kabila nito, nais lamang ni Sara na makamtam ang tunay na kapayapaan at katahimikan sa bansa, para mapasa-lahat ang kaunlaran at kaginhawahan, partikular na ang mga nasa kanayunan na matagal nang pinipeste ng mga CPP-NPA-NDF.
Gaya ng papel ng NTF-ELCAC, si Inday Sara ay taga-paghatid din ng kapayapaan. “Bringer of peace” ang sabi nga ni NSA Año. Malaking bagay ito para sa ating lahat. Dahil kung sa kakaunti na natitira pang puwersa ng CPP-NPA-NDF nakatutok ang ating Sandatahang Lakas, di malayong maibigay sa ating mga kababayan sa mga lugar na pinamumugaran ng mga pesteng ito, papasok anh task force kasama si Sara na mag-bibigay ng panibagong pag-asa at katahimikan.
Iisa ang layunin ng NTF-ELCAC at ni Sara – ang pag-silbihan ang bawat Filipino, lalo na ang mga inaapi.
Nakasisiguro ako, na sa muling pagsita de ng NTF-ELCAC kasama si Inday Sara, at sa tagubilin ni Pangulong Bong Bong Marcos na paigtingin pang lalo ng task force ang pagkalinga nito sa mga pamayanang napeste ng mga CPP-NPA-NDF, ay yayabong ang kaunlaran at kapayapaan sa mga lugar na ito.