Advertisers

Advertisers

MTPB, PINURI NI ISKO

Dahil sa pag-impound ng pedicab, tricycle:

0 302

Advertisers

PINURI ni Manila Mayor Isko Moreno ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pagtupad ng kanilang gawain kahit na sino pa ang masagasaan, nang ilunsad nito ang impounding operations kontra mga abusadong pedicab at tricycle drivers sa lungsod.

Sinabi ni Moreno na masakit man sa kanya ay kailangan na ipatupad ang batas at mga reglamento ng lungsod lalo’t mayroon pang umiiral na pandemya.

Pinuri ng alkalde si MTPB chief Dennis Viaje matapos nitong i-impound ang mga tricycles at pedicabs kung saan ang mga drivers nito ay patuloy na lumalabag sa mga batas ng lungsod sa pamamagitan ng sobrang taas ng singil sa pamasahe sa mga pasahero sa kabila ng paulit-ulit na babala.



Ang iba ay na-impound dahil sa pagsasakay ng sobrang pasahero na paglabag sa physical distancing habang ang iba naman ay namamasada nang walang suot na face mask o face shield, na naglalagay sa peligro sa kanilang pasahero.

Sinabi ni Moreno na dati siyang pedicab driver pero di siya kailanman nanggulang sa kanyang mga pasahero, bagkus ay wastong halaga lamang ng pamasahe ang sinisingil nya sa mga ito.

Sa kanyang ulat sa alkalde, sinabi ni Viaje na ang mga lumabag na mga drivers kung saan ang mga units ay na-impound ay pawang mga nirereklamo ng kanilang pasahero dahil sa sobrang taas maningil ng pamasahe tulad ng paniningil ng P100 pataas sa layong isa hanggang dalawang kilometro.

Ayon kay Viaje dapat ay P20 kada unang kilometro lamang ang pamasahe at dagdag na P5 kada susunod na kalahating kilometro. Ito ang itinakdang official rate ng city government.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pangongontrata sa mga pasahero, ayon pa kay Viaje.



Paulit-ulit na nakikiusap si Moreno ng pang-unawa sa mga drivers ng pedicab at tricycles dahil aniya ang kanilang mga pasahero ay mahirap din. Dahil kung mayaman ito ay tiyak na may sarili itong sasakyan at hindi na magta-tricycle o pedicab. (ANDI GARCIA)