Advertisers
KINALAMPAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bayaran nito ang mga obligasyon o pagkakautang sa Philippine Red Cross.
Sinabi ni Go na ang nasabing usapin ay patunay kung gaano karesponsable sa paghawak ng pampublikong pondo ang ahensiya.
“Paalala ko lang po: Hindi dapat maapektuhan ang testing capacity natin. Hindi natin gusto na madagdagan pa ang pinapasan ng mga kababayan nating kailangang gumastos para sa COVID-19 testing, katulad ng mga OFWs, returning individuals, medical frontliners at iba pa,” ayon kay Go.
Ayon sa senador, kinakailangang makipagtulungan ang PhilHealth sa Red Cross para mabayaran na ang dapat na mabayaran alinsunod sa kung ano ang naaayon sa batas.
“Buhay at kabuhayan ng mga kababayan natin ang nakasalalay dito. Let us address the backlogs. Huwag natin iantala ang pagproseso ng mga tests dahil lalong lalaki gastos natin,” aniya
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, inalok ng senador ang sarili upang maging tagapamagitan sa concerned parties para maresolba na ang isyu.
Sinabi ni Go na nakasama na niya sa pagpupulong sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Senator at Red Cross chair Richard Gordon at PhilHeralth president Dante Gierran.
“Nakausap ko po kagabi sina Executive Secretary Medialdea, Senator Gordon at Atty. Gierran. At nagkaroon na ng meeting with PhilHealth. Napagkasunduan na po na babayaran na ang Red Cross. May proseso lang na dapat sundin and this will be subject to government accounting and auditing rules. Services rendered na po ito, kaya talagang dapat lang na mabayaran sila,” anang senador.
Kinilala ni Sen. Go ang Red Cross na napakalaking tulong lalo ngayong panahon ng pandemya kaya napakahirap kung ito ay naiipit dahil hindi nababayaran ng gobyerno.
“Importante na hindi maantala ang serbisyo sa taumbayan, lalo na sa panahon ng pandemya, every minute counts… Buhay po ng bawat tao ang nakataya rito,” dagdag ng mambabatas.
Iginiit niya sa mga public official na palaging protektahan ang kapakanan at interes ng taongbayan at ng gobyerno, gaya ng ibinilin ni Pangulong Duterte. (PFT Team)