Advertisers
NAGBAGA ang dalawang backhoe na nagkakahalaga ng P7.5 milyon na pag-aari ng isang construction firm nang sunugin ng hinihinalang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) nitong Miyerkules, Hunyo 14, sa Himamaylan City, Bacolod.
Ayon kay Police Capt. Arturo Margallo, deputy chief for administration ng Himamaylan City Police Station, sumugod ang anim na hindi kilalang armadong kalalakihan sa Sitio Bulod, Barangay Carabalan, Himamaylan City at nagpapakilala sa nagbabantay na miyembro sila ng NPA.
Sinabi ng mga salarin sa bantay na hindi nagbabayad sa kanila ng “revolutionary tax” ang construction firm saka kumuha ng dalawang galon ng gasolina at ibinuhos sa dalawang backhoe saka sinindihan.
Mabilis na tumakas ang mga salarin at hindi sinaktan ang bantay.
Ang naturang construction firm ay kasalukuyang gumagawa ng P100-million road project na tinatawag na Himamaylan-Tayasan Road sa lugar.