Advertisers
SABI ni Secretary Benhur Abalos, Jr. ng Department of Interior and Local Government (DILG), malaki at makapangyarihang sindikato ang nasa likod ng P6.7 bilyong shabu na nasamsam sa raid sa WPD Lending office ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr. sa Tondo, Manila noong Oktubre 2022.
Ito raw ang dahilan kaya mas piniling hindi magsalita ng mga kinasuhang pulis na sangkot sa kontrobersiyal na pinakamalaking nasamsam na droga sa isang operasyon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Dalawang police generals, 4 colonel, 1 major, 5 tinyente, at 38 pang pulis ang mga kinasuhan dito sa Office of the Ombudsman.
Ang naturang mga pulis na inimbestigahan din ng Kongreso ay hindi rin nagsalita sa harap ng mga mambabatas, mas pinili pa nilang ma-contempt at makulong sa Senado.
Sabi ni Abalos, kaya takot magsalita ang mga pulis na ito ay dahil sa takot na sila’y patayin o idamay ang kanilang pamilya ng sindikato ng droga sa PNP.
Kung ang sindikato nga ng droga ay nasa loob ng PNP, nasa mga kamay na ito ni Sec. Abalos at ni Chief PNP Benjamin Acorda, Jr. kung paano buwagin. Mismo!
Kung si dating Presidente Rody Duterte ang tatanungin, gusto niyang buwagin nalang ang PNP, ipa-take over muna ito sa militar.
Advise niya, pagbitiwin lahat ng pulis mula heneral hanggang patrolman para mabuwag narin ang sindikato ng droga sa organisasyon. Puede!
Pero sa totoo lang, mga pare’t mare, wala naring kridibilidad si Digong magsalita laban sa iligal na droga. Kasi sa loob ng anim na taon niya sa kapangyarihan bilang Commander in Chief ng AFP at PNP ay hindi niya rin nabuwag ang sindikato ng droga sa kabila na kabilaan ang hawak niyang mga narco-list!
Oo! Naalala nyo ba nang isapubliko niya ang umano’y mga pulis, politiko at miyembro ng judiciary na sangkot sa droga, ni hindi niya nakasuhan at napakulong ang mga yun. Pero marami sa kanila ang natigok!
Sa tingin ko, maling mga tao ang nasa narco-list ni Digong noon. Dahil hindi kasama sa listahan ang talagang drug lords tulad nitong si MSGT Mayo at ilan pang opisyal na kinasuhan ni Abalos sa Ombudsman. Mismo!
Si Mayo ay kasama sa tinaguriang “ninja cops” noon pa man, pero hindi siya nagalaw sa kontrobersiyal na war on drugs ni Duterte.
Hindi rin noon nagalaw ang mga taong nasa likod ng nahuling P6.4 billion halaga ng shabu sa Valenzuela City, pati na ang mga nasa likod ng bilyones na halaga ng shabu sa iron lifters na nadiskubre sa warehouse sa Cavite at sa loob ng MICP sa kabila ng na-identify na ang mga nagpalusot ng kontrabando.
Sabi, ang war on drugs noon ng Duterte administration ay selective, mga kakompetensiya lang at mga ‘di nagre-remit sa droga ang tinodas! Mismo!!!