Advertisers

Advertisers

Administrasyong Marcos, abala sa bagong government slogan na ‘Bagong Pilipinas’; P20 kilo ng bigas napako!

0 241

Advertisers

DISMAYADO ang mga pilipino na malabo pang matupad ang ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong panahon ng kampanya na gagawing P20 ang kada kilo ng bigas.

Patutsada pa nila, imposibleng matupad ang pangako ng Pangulo lalo pa’t mas pinagtutuunan ng pansin ng kanyang administrasyon ang paglalabas ng mga bagong logo sa halip tutukan ang ekonomiya.

Aminado naman si Marcos Jr., na siya ring namumuno sa Department of Agriculture, na malayo pa siya sa pagtupad sa kanyang pangako.



“Iyong ating hangarin na 20 pesos na bigas [kada kilo] eh wala pa tayo roon, pero ginagawa natin ang lahat,” bahagi ng pananalita ni Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa pamamahagi ng iba’t ibang government assistance at nationwide na paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo program sa Pampanga kamakailan.
Hinamon din ni Senator Risa Hontiveros ang administrasyong Marcos na patunayan muna ang pagkakaroon ng maprinsipyo, may pananagutan at maasahang pamahalaan bago i-claim ang governance slogan na “Bagong Pilipinas”.

Ayon kay Hontiveros, masyado pang maaga para masabi na taglay na ng pamahalaan ang kahulugan ng bagong slogan lalo’t sa unang taon ng pamamahala ni Pangulong Bongbong Marcos ay ‘incomplete’ ang grado nito.



Sinabi ni Hontiveros na hindi naman niya pinipigilan ang gobyerno na magkaroon ng slogan pero para sa kanya ay dapat maging makatotohanan naman ito dahil mistulang puro pangako pa lang ang pamahalaan pero kulang na kulang pa sa pagtupad ng mga programa at proyekto.

Giit pa ng mambabatas, ang “Bagong Pilipinas” slogan ay mistulang kawangis ng “Bagong Lipunan” na slogan naman ng dating administrasyong Ferdinand E. Marcos na ang naiwang legacy ay paglabag sa karapatang pantao at mga pandarambong sa pamahalaan.



Dagdag pa ni Hontiveros, hindi slogan ang kailangan ng gobyerno kundi ang malinaw na paglalatag ng mga plano at mga hakbang sa bawat departamento para tugunan ang mga urgent na isyu ng bansa.

Hirit pa ng senadora, kung magre-rebranding ang pamahalaan ay dapat na i-timing ito nang maayos kung saan talagang may makikitang pagbabago ang mga Pilipino.

Samantala suportado naman nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senator Chiz Escudero ang bagong governance slogan ng administrasyong Marcos na “Bagong Pilipinas”.

Ayon kay Villanueva, ang naturang slogan ay nagbibigay sa bansa ng malinaw na direksyon at layunin ukol sa nais makamit ng kasalukuyang pamahalaan.

Sinabi pa ni Villanueva na kaisa sila ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagtitiyak ng pamahalaan na uunahin ang kapakanan at interes ng mga Pilipino.

Para naman kay Escudero, bagamat ang “Bagong Pilipinas” slogan ay ‘call’ ng pangulo, ito naman ay maituturing na inspirasyon sa pamahalaan.

Naniniwala si Escudero na hudyat ito ng bagong simula at umaasa ang senador na mahihikayat ng governance slogan na ito ang mga opisyal ng gobyerno at empleyado na hindi mabigatan sa mga naging kabiguan ng nakaraan para mas magampanan nang mahusay at maayos ang kanilang mga tungkulin ngayon.

Matatandaang inatasan ng pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno na i-adopt ang bagong governance slogan ng administrasyon sa lahat ng kanilang mga programa at proyekto na kumakatawan sa pamahalaang may prinsipyo, pananagutan, at maaasahan.

Tutukan natin!

***

Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.