Advertisers

Advertisers

TASK FORCE VS PEKENG PINOY, CHINESE FUGITIVES, ITAYO, NGAYON NA!

0 242

Advertisers

HINDI madalas na naibabalita na maraming Chinese ang nagagalit sa pambabraso ng China sa maliliit na bansa, tulad natin at nais nila, mas unang ayusin ng gobyerno ang marami nitong problema.

Kapos sa pagkain ang mahigit sa 1.4 bilyon populasyon ng China; mahina ang ekonomya nito at tadtad din sa utang at mahina ang currency (Yuan) nito at nagdaranas ng kung ano-anong malulubhang sakit ang mamamayan nito.

Chinese people are unhappy, katunayan ilang ulit nang dumagsa sa kalsada sa Beijing ang libo-libong protester na isinisigaw na alisin si Xi Jinping at ang Communist Party.



Ayaw ng Chinese people ang ginagawa ng China sa Pilipinas; maraming mamamayan ang tumatakas papunta sa ibang bansa, marami ay sa US at Canada at iba pang bansa sa North America noong nakaraang taon.

Ayaw ng mamamayang Chinese na giyerahin ni Xi Jinping ang Taiwan at anomang tangka ng China na makipaggiyera, alam ng mamamayang Chinese, hindi ito para sa kanilang interes.



Interes lamang ito ng Chinese Communist Party (CCP) at ng tropa ni Xi Jinping.

Anomang giyerang papasukin ng China, mamamayang Chinese ang magdurusa.
***
Marami na ang naideport na Chinese worker ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sinimulan noong Oktubre 2022, wala pang opisyal na report ang Deparment of Justice (DoJ).



Ito ay kasunod ng utos na ipasara na ang operasyon ng 175 POGO na sa tantiya, ito ay nakapag-empleyo ng mahigit sa 300,000 Chinese.

Bawal kasi ang sugal sa China, kaya naisip itayo sa atin ang POGO — na totoong nagsampa ng bilyon-bilyong pisong tax sa kaban ng gobyerno pero ang naging kapalit nito e pagtaas ng kriminalidad na marami ay kagagawan ng Chinese nationals sa kanilang kababayan.

‘Yung mga talunang Chinese na hindi nakabayad ng utang, pinapatay at kinikidnap ng kapwa nila Chinese na may kasabwat na Pinoy.

Naturuang makorap ang ating law enforcement gawa ng malaking salaping suhol mula sa sindikato ng mga Chinese gangsters na malayang nakapasok sa bansa para dito gumawa ng krimen.

May naparusahan na ba sa pastillas gang ng Bureau of Immigration na malayang nagpapasok kahit kriminal na Chinese kapalit ng kimpal-kimpal na salaping suhol?

Wala tayong nairinig o nababasang report mula sa DoJ, ano ba yan?

Balita rin na yung mga Chinese POGO workers ay nagtago na, ang marami ay nagawang makapag-secure ng pinekeng birth certificate, may nakapag-process pa ng PH passport.

Hanep, ang gagaling nyo, huh at siyempre, daming nagkapera sa mga local civil registry office, na ginamit ang birth certificate ng mga Pinoy na namatay na o mga Pinoy na pumayag maduplika ang kanilang birth certificate kapalit ng daan-daan libong piso.

Pag gipit nga, kahit sa patalim ay kumakapit.

Ngayon, “lehitimong” nakapamumuhay ang mga Chinese na pekeng Pinoy na nagawa nang makasunod sa ating ugali, natutong magsalita ng wika natin at ang marami ay nakapagtayo ng negosyo, at/o kaya ay nakapag-asawa na.

Milyong Pinoy ang naagawan ng trabaho ng mga Pekeng Pinoy na ito — na pag nagkaanak, dagdag sa bundat na populasyon ng Pilipinas na aagaw sa mga kapos na serbisyong medikal, pagkain, trabaho, pag-aaral, at iba pang kakumpitensiya ng ating kabataang Pinoy.

Pero alam nyo ba, may gimik ang mga henyo ng sugal na may ipinalit na sa POGO at ito ay platform ng Oriental Game na nakapagsusugal ang nasa abroad sa mga palarong sugal na ino-operate sa bansa.

E ganito rin ang platform ng POGO — ayon sa Finance Department, noong 2020 kumita ang gobyerno (sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation) at P3.9 billion noong nakaraang taon sa iba-iba pang bayarin ng mga operator ng POGO.

Kung may bilyon-bilyong pisong kinikita ang POGO, hindi matutumbasan ng perwisyong dala nito sa pagtaas ng kriminalidad sa bansa.

Kay Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla — na bespren ng media noong ito’y kongresista pa — sana ay mapatino mo ang mga tampalasan sa Bureau of Immigration.

Sana makita natin ang galing mo at sa tulong ng ating makikisig na opisyal at tauhan ng National Bureau of Ivestigation (NBI), katuwang ang Philippine National Police (PNP), ‘yung mga takas na kriminal sa China na nakapasok sa bansa ay madakip at maipatapon pabalik sa kanilang bansa.

Marami na tayong kriminal dito, dagdag ang mga Chinese na ito na ang dala ay perwisyo, kamatayan at salot sa bansa natin.

Kung ang Bureau of Customs (BoC) ni Commissioner Bienvenido Rubio ay may anti-smuggling task force, ay ano ba naman kung magbuo ng TF laban sa Chinese fugitives, pekeng Pinoy at mga kasabwat nila.

Makatutulong ang media, lalo na ang mga tropa mo sa National Press Club (NPC) na mga naka-jamming mo noon.

Justice Sec. Boying Remulla, kilos na!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.