Advertisers
ANIBERSARYO po ngayon ng Police Files TONITE.
Opo! 20 years old na ang inyong paboritong national daily tabloid. Maraming maraming salamat po, mga suki, sa hindi ninyo pagbitaw…
Sa kabila ng pagsilang ng national media at tatlong taon na pananalasa ng nakamamatay na virus, Covid-19, ang Police Files TONITE ay hindi natinag, nanatiling matibay ang pundasyon sa paghahatid ng mga balita araw-araw. Maraming maraming salamat po sa inyong walang sawang pagsubaybay, mga pare’t mare…
Malugod ko ring pinasasalamatan ang partners namin sa publication, ang newspaper dealers. Kung wala ang mga taong ito, hindi kakalat sa newsstands ang mga pahayagan. Maraming maraming salamat po, mga boss!!!
Ang Police Files TONITE ay may tanggapan sa ground floor ng gusali ng National Press Club sa Magallanes drive, Intramuros, Manila.
Ang Police Files TONITE ay mababasa rin online sa Facebook page PF Tonite, website https://www.policefilestonite.net, at naka-post sa Instagram, Twitter at Tiktok ang frontpage araw-araw.
Kaya kung wala kayong mabiling Police Files TONITE sa inyong lugar, buksan lang ang PF Tonite sa Facebook o sa website policefilestonite.net at mababasa n’yo na ang mga makabuluhang balita araw-araw sa loob at labas ng bansa . Maraming maraming salamat po.
***
May nabasa akong matinding komento ng isang netizen hinggil sa napakalaking confidential at intelligence funds (CIFs) ni Department of Education (DepED) secretary at Vice President “Inday” Sara Duterte-Carpio.
Ito ang kanyang komento sa inbox ng Philipine Defense Forces Forum:
“May tanong po ako sa DepEd, halos trilyon ang pondo nyo, may 500 pa na confidential fund ang Secretary nyo, pero bakit hanggang ngayon nagso-solicit parin mga teachers dito sa amin para pambili pintura, electric fan at ibang kagamitan pagpaayos sa silid aralan tuwing Brigada Eskwela? At bakit may Brigada Eskwela pa? Laki pa ng multa ‘pag ‘di nakapunta ang parents.”
Malaki ang punto rito ng netizen. Actually hindi lang P500 milyon ang sekretong pondo ni VP/Sec. Sara kundi P650 milyon! Ang P500m ay sa confidential fund n’ya ito bilang Vice President at ang P150m ay intelligence fund niya bilang DepEd Secretary.
Ang palusot ni Sara sa P150m intel fund niya sa DepEd ay para raw hindi ma-recruit ng mga militante ang mga mag-aaral. Ngek!
Si Sara lamang ang Vice President na humirit ng napakalaking confidential at intelligence funds. Ang kanyang sinundan, ex-VP Leni Robredo, ay never nagkaroon ng sekretong mga pondo sa loob ng amim na taong termino.
Ang confidential at intelligence funds ay hindi dumadaan sa auditing ng Commission on Audit (CoA). Kaya hindi natin alam kung saan nilulustay ng mga opisyal na ito ang bilyones na taxpayers money.
Kung hindi manlang nau-audit ang confidential at intelligence funds, makabubuti na ipagbawal na ito sa mga ahensiya na walang mandato ang maniktik para sa peace and order o seguridad ng bansa.
Dapat ay idulog na ito sa Korte Suprema. Kung tama bang magkaroon ng CIF itong Vice President, DepEd, at iba pang gov’t. agencies na walang mandato para sa peace and order?
Ang dapat lamang magkaroon ng intelligence fund ay ang PNP, AFP, NICA, NBI at DILG. Mismo!
Say n’yo, mga pare’t mare?