Advertisers
NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa pangunahing airport ng bansa ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa pagpapakita ng pekeng pasaporte.
Ang OFW, na hindi pinangalanan alinsunod sa umiiral na local trafficking laws, ay naharang noong September 17 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos na magtangkang umalis patungong Kingdom of Saudi Arabia sakay ng Philippine airlines flight.
Ipinakita ng babae ang pasaporte na nagpapakita na siya ay 30 anyos at patungo sa isang bansa sa middle east para magtrabaho bilang housemaid.
Pero napuna ng immigration officers ang ilang ‘di magkakatugmang detalye kaya isinailalim ito sa inspeksyon.
Inamin din ng babae na kinuha niya ang pagkakakilanlan ng kanyang pinsan at inamin ang tunay na pangalan at edad.
Ibinahagi nito na siya ay 20-anyos lamang at ipinanganak noong 2003.
Matapos na makumpirma na siya ay nagpakita ng dinuktor na passport, siya ay dinala sa inter-agency council against trafficking para sa mas malalim na imbestigasyon.
Ang kanyang passport ay dinala sa Department of Foreign Affairs para sa kaukulang aksyon. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)