Advertisers

Advertisers

Bitak-bitak na ang UniTeam!?

0 38

Advertisers

HINDI nagbabago, mula noon, at hanggang ngayon ang pag-angkin natin sa Sabah sapagkat hindi binitiwan, hindi inabandona ng Pilipinas ang pagmamay-ari ng Sabah – na dating North Borneo ang pangalan.

Noon pang 1963, sa panahon ni dating Presidente Diosdado Macapagal, iginiit na natin na ang Sabah ay atin at mananatiling atin.



Noong 1968, naging batas ang Republic Act 5446 na malinaw na nakalagay sa batas na ito na pag-aari, sakop at patuloy na inaangkin ng ating gobyerno ang Sabah.

Sa ating Konstitusyon ng 1968, 1973, 1987, malinaw na nakasaad na atin ang Sabah, at sa isang desisyon ng Supreme Court noong 2009, sinabi na legal ang inamyendahang RA 9522 (Base Line Law) na atin nga, sakop ng ating soberenya ang Sabah.



Katunayan, noong 1967, binuo ni Presidente Ferdinand E. Marcos ang “Operation Merdeka” upang bawiin ang Sabah, pero nabigo ito dahil inalerto ng namayapang dating Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino ang Malaysia.

Sa isang privilege speech ni Ninoy sa Senado, ibinulgar niya ang “Operation Merdeka,“ ni Marcos kaya nakapaghanda ang militar ng Malaysia, at tuluyang kinubkob ang Sabah at isinama sa Federation of Malaysia.



Kung hindi nagdadakdak si Ninoy, baka noon pa, nabawi na natin ang Sabah at naibalik na sa tunay na nagmamay-ari nito ang Sultanate of Sulu.

Matatandaan, nang patayin si Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport noong Agosto 21, 1983, Malaysian passport ang gamit niya sa pangalang Marcial Bonifacio.

The rest is history.

***

Ayan na, kung totoo talaga ang banatan, parunggitan at mga statements, may bitak na, may lamat na ang UniTeam na kung bakit kay aga-aga pa, nagbabanatan na sila e sa 2028 pa ang presidential elections.

Sa ikinikilos ng mga tambaloslos sa Kamara, totoo nga ang pulso ng bayan, si Vice President Inday Sara Duterte ang posible na manalo — kung tatakbo — na presidente kapalit ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Kaya, sabi nga ng mga maka Inday, ngayon pa lang bini-Binay na ang BFF ni Senator Imee Marcos at ni Pampanga Congresswoman former President Gloria M. Arroyo na tinanggal na ang honorofic title na senior deputy speaker at latest news, inalis na rin ang tawag na deputy speaker.

Mag-BFF kasi ang tatlo na sabi ng mga kakampi ni Speaker Martin Romualdez, e kasama ni former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa pagwasak raw, daw, at kuno sa reputasyon ng pinsan ni PBBM — na siyempre pinsan at ate Imee ni Martin.

Sa pag-Binay (hehehe, bagong termino ito na pagtukoy sa ginawang massive black propaganda kay dating VP Jojo Binay na noong 2016 presidential race, e halos sure nang winner na nasira ang pangalan, at hayun, nakalusot si Tataty Digong at kay VP Sara, pinalabas kahit walang ebidensiya na naibulsa raw ang confidential at intelligence fund (CIF) ng anak ni Digong.

Di nakatiis si FPRRD, hinamon si Romualdez na ibisto rin ang CIF nila at hayaang ma-audit ang kanilang hawak na pera ng taxpayers sa Commission on Audit (CoA), at pakiusap ni Digong, unahin na tuusin ang CIF niya noong presidente siya at ang kay VP Sara.

Tinawag ni Digong na korap raw ang Kamara at eto bumanat si Rep. Sandro Marcos na malicious daw ang pinagsasabi ng dating presidente sa SMNI, na sa speech niya, naduwag ang firstborn ni PBBM na pangalanan si Tatay Digong at SMNI na siya raw nagpapakalat ng paninira kay Speaker sa lahat ng kongresista.

Eto na, nanindigan si Ate Imee, sabi niya, kahit siya na lang ang maiwang mag-isa, hindi niya iiwanan, kakampihan niya si FPRRD at si BFF VP Sara dahil sobrang malaki ang utang na loob niya sa mga Duterte na loyalista ng kanilang ama.

Aba, daming nagalit kay Digong nang ipalibiing sa Libingan ng mga Bayani si Apo Marcos Sr. na noon ay hindi nangyari sa nakaraang administrasyon, at sabi pa ni Ate Imee, gawa ng mga Duterte kaya ang pangalang Marcos ay bumango na sa nakaraang mahigit na tatlong dekada ay binastos, inalipusta at yinurakan ang dangal at tinawag sila na mga super magnanakaw at mandarambong.

Away na ba talaga, Ate Imee, pero si VP Sara, sabi niya, kaisa niya, suportado niya ang ka-UniTeam na si PBBM, kahit siya ay inuupakan pa ng pinsan nitong si Speaker Martin at ng batibot na si Rep. Sandro.

E, bakit naman kakabahan sina Digong at VP Sara e sanggang dikit nila si Ate Imee na mas matapang, mas mapanindigan ang karakter sa mga Marcos.

***

Speaking of Ate Imee, sabi niya minamanipula talaga ang presyo ng basic commodities at may sapat na supply ng pagkain, at nakita niya sa pag-iikot sa bansa, maraming probinsiya sa Visayas at Mindanao, madaming gulay, karneng manok, baboy at bigas doon at ang problema, paano ibabagsak sa Metro Manila at iba pang bayan at siyudad sa Luzon.

Transport cost ang nagpapataas ng presyo, kaya dapat daw, pabilisin ang impra roads brigdes, RORO at gawin nang tunay na Philippine National Railways ang PNR na nabulok at napabayaan ng nakaraang administrasyon.

Hanggang Biñan lang at sa ilang bayan lang nakakarating ang tren ng PNR, e noong panahon ni Apo Lakay Macoy, plano niya noon na ituloy sa Bicol tagos sa Visayas at Mindanao pero nadiskaril, para nga matawag na totoong PNR.

E, ngayon mall na lang ang Tutuban PNR station at ipinatigil muna ni PBBM ang rehabilitation ng mga riles patungong Dagupan, aba kung may riles tayo sa Visayas, Mindanao, North at South Luzon hanggang Bicol, ang murang bigas, gulay, manok, baboy, isda na sagana roon, madadala sa Metro Manila at yung problemang food security, solve na agad.

O, sige dear readers, ito na muna, at magsipag muna tayo dahil malapit na ang Pasko.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisma@yahoo.com.