Advertisers
Patay ang 39-anyos na lalaki nang barilin sa noo ng gunman sa Quezon City, nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBrig Gen Redrico Maranan, nakilala ang biktima na si Jay Jay Abillion Lopez, 39, binata, at residente ng No. 80 Sta. Isabel, Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa report ng QCPD – Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) 5:45 ng umaga (November 8) nang maganap ang insidente sa Gozum St., Dulo, St. James Subdivision, Barangay Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PMSg Roy Estillero, isang rider ang nakakita na pinagbabaril ng salarin na naka-ballcap, at nakasuot ng dilaw na sando at short pants ang biktima sa nasabing lugar.
Dahil sa takot sa kanyang buhay, binangga ng rider ang kanyang motorsiklo sa center island at saka umalis at nagtago.
Nang matiyak na wala na ang gunman, binalikan ng rider ang kaniyang motorsiklo at doon nakita niya ang duguang nakahandusay na biktima kaya ini-report niya sa mga otoridad ang insidente.
Agad namang nagresponde ang SOCO team mula sa PNP Forensic Group sa pangunguna ni P/Cpt. Michale Jabel at base sa pagsisiyasat nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa noo ang biktima.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya at humingi na rin sila ng CCTV footage sa Barangay Nagkaisang Nayon, upang matukoy ang salarin. (Almar Danguilan)