Advertisers
TOTOO man o tsismis, hindi dapat manahimik sina PNP Chief Benjamin Acora Jr. at Cavite PNP Police Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr. sa mga kasinungalingan ng mga sakla operator sa Cavite na sila’y nagpapadala ng tumataginting na mahigit sa Php 600,000 sa Office of the Director sa Camp General Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite?
Parang kabute na nagkalat ang mga saklaan sa 15 mga bayan at walong lungsod sa lalawigan ni Governor Junvic Remulla, pero ang nakapagtataka’y hindi hinuhuli ang mga operator nito ng Philippine National Police (PNP) partikular ng Cavite Provincial Police na dapat manguna sa pagkilos sa mga bumabaluktot at umaabuso sa batas.
Ang kuwento sa sirkulo ng mga sakla operator sa lalawigan na umaabot sa Camp Crame Police Headquarter ay ang mga sakla lord na sina Hero at Elwyn na hawak sa mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Noveleta at Magallanes ang nagdadaldal sa kanilang mga contact at kaibigan sa Crame tungkol sa Php .6 million weekly tong, lagay o intelhencia nila sa Cavite Provincial Command.
Bukod sa mga pasakla sa ibat ibang barangay sa naturang mga bayan, sina Hero at Elwyn ay may mga permanente o puestong saklaan sa mga sabungan sa naturang munisipalidad bukod pa sa operasyon ng saklang-patay.
Liban kina Hero at Elwyn ang mga sakla operator ng Naic na sina alyas Maricon, alyas Lago na aktibong miyembro ng PNP na may hawak ng mga saklaan sa Dasmarinas City at Christian sa siyudad ng Bacoor ay pasikretong isinusumbong, sinisiraan si Col. Ricardo Jr. sa mga kakilala’t kaibigang police official sa Crame na may alam din sa kanilang ilegal na negosyo?
Madalas namang nangyayari ang mga kuwentong “lagay” kapag hindi na makaya ng mga ilegalista ang hinihinging protection money ng mga regional, provincial, city at municipal police official. Sa kanilang desperadong hakbang sa paghahanap ng kakampi at masasandalang mga contact at kaibigan sa Camp Crame o anumang ahensya ng gobyerno para magpasaklolo ay naidadaldal ng mga ito, naiihinga ang kanilang saloobin maging sa mga miyembro ng media.
Kaya dapat na maging sensitibo naman ang mga police official hinggil sa usapin ng tong, lagay, payola, intelhencia o protection money dahil bilang alagad ng batas na ang mandato’y ipatupad ang batas laban sa mga lumalabag nito, dapat ay magsilbi silang role model at hindi yaong sila pa mismo ang sumusuway?
Tulad na lang ng pagma-marites ng mga sakla operator sa Cavite, ikinukuwento nila ang mahigit sa Php .6M na dinadala nila sa tanggapan ng PD sa probinsya. Bagama’t hindi sinasabi kung kanino nila ibinibigay ang naturang suhol o intelhencia ay dapat din na kumilos si Col. Ricardo Jr., pagkat di maiiwasan ang pagdududang di maganda kaya’t di lamang ang kanyang liderato ang madadamay kundi maging ang kabuuan ng PNP?
Idinadawit sa kuwento ang isang Richard M. na nagpapakilalang malapit kay PD Ricardo Jr. na nagyayabang din na driver/bodyguard ng colonel ang puno’-dulo ng malawakang operasyon ng sakla sa Cavite na nagsimula ilang araw matapos na matalagang provincial director si Col. Ricardo Jr. sa Cavite noong nakaraang taon.
Sa ngalan ng opisina ng PD, si Richard M. ang nagbibigay ng basbas sa mga sakla operator sa buong lalawigan sa kasunduang ang mga ito ay lilikom ng Php 600,000 sa province-wide operation ng sakla na ibibigay sa provincial command hanggang sa opisina ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr.
Liban sa pagtatara ng halaga sa mga magsasakla, tinatarahan din ni Richard M. at kasosyo pa ito sa operasyon ng mga pergalan (perya na may sugalan) na may shabuhan nina Tetet sa Brgy. Salawag, Dasmarinas City City; Jessica sa bayan ng Bailen; Rommel sa Brgy. Maguyam at Mike sa Brgy. Balabad kapwa sa bayan ng Silang; ganon din sa STL bookies operation nina Melchor sa Bacoor City, Dasmarinas City, Maragondon, Naic at Cavite City; alyas Kap Abner sa Dasmarinas City at ng Cavite “STL con-Jueteng Queen” Nitang Kabayo sa lahat na siyudad at bayan ng probinsya.
Kaya kung susumahin kapag pinagsama ang raket mula sa sakla, pergalan at jueteng o STL bookies operation ay aabot din sa Php 2M ang nakokotong ni Richard M. na ipinagbabanduhang dinadala sa tanggapan ng Cavite PNP Provincial Office hanggang sa opisina ni PNP Chief Acorda Jr. sa Camp Crame.
Hindi naniniwala ang SIKRETA na itataya nina PDGen. Acorda Jr. at PD Ricardo Jr. ang kanilang magandang imahe kapalit ng salaping galing sa ilegal kaya hindi nila dapat balewalain ang panggagamit sa kanilang mga pangalan ng name dropper na si Richard M.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144