Advertisers
KAMAKAILAN ay nagsagawa ng survey ang Pulse Asia para alamin ang pulso ng mga Pinoy kung pabor ba ang mga kababayan natin sa patuloy na operasyon at pananatili ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dito sa bansa.
Sa survey na isinagawa mula Disyembre 3-7, 2023 na may 1,200 respondents, lumabas na 85% ng mga respondent ay hindi pabor sa patuloy na POGO operations sa bansa.
Kung hihimayin pa ang resulta, 82% sa National Capital Region, 88% sa Balance Luzon, 93% sa Visayas, at 75% sa Mindanao ay gusto nang ibasura ang POGO .
Pagdating sa katayuan sa buhay, 87% ng nasa ABC class, 85% sa D class at 84% sa E class naman ang tutol dito.
Sa madaling salita, talagang panahon na para ibasura ang POGO at palayasin na ang lahat ng mga intsik na nagtatrabaho doon.
Kung sa Tsina nga ay bawal ang operasyon nila , bakit naman tayo papayag na dito sila mag-operate kapalit ng ga-baryang ibinabayad nilang buwis na madalas nga iniiwasan pa nila?
Sa totoo lang, di na nga kailangan pa ang mga survey para malaman kung kelangan pa ba manatili dito ang mga POGO o hindi.
Ang mga awtoridad na rin ang nagsasabi na talagang nagiging pugad lang ito ng kriminalidad at ibat-iba pang mga iligal na gawain base sa sunod-sunod na raid na ginawa nila.
Ito rin ang dahilan ng pagtaas ng insidente ng krimen gaya ng kidnapping, rape at torture na kinasasangkutan ng mga tsekwa laban sa mga kababayan nila at iba pang mga dayuhan na nagtatrabaho sa POGO mismo.
Hindi rin naman sila naging dahilan para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan dahil mismong mga jobless na intsik sa kanilang bansa ang kanilang kinukuha para magtrabaho dito.
Negative din ang impact nila sa mga komunidad kung saan sila naninirahan dahil karamihan sa kanila ay walang modo at hindi marunong sumunod sa mga regulasyon.
Kaya hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang gobyernong Marcos at ngayon pa lang ay dapat bumalangkas na sila ng mga hakbang upang mapalayas na sa bansa ang mga POGO.