Advertisers
Kulong ang isang tulak ng iligal na droga na itinuturing na high value individual (HVI) nang makumpiska ang mahigit P300k halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng Valenzuela City PNP nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura Jr., ang suspek na si alyas Nelson, 44, ng Purok 4 Orosco St, Brgy. Mapulang Lupa.
Sa report ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, naisagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PEMS Restie Mables sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Ronald Sanchez ang buybust operation kontra sa suspek.
Nakabili ang nagpanggap na buyer na isang pulis sa suspek ng P500 halaga ng droga kapalit ng isang sachet ng shabu malapit sa kanyang bahay 4:25 ng madaling araw.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng shabu na may standard drug price value na P340.000.00, P500 buy bust money, P200 recovered money, coin purse at cellphone.
Ayon kay Col. Destura, dati nang naaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek noong 2021 dahil din sa pagbebenta ng droga.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.(Beth Samson)