Advertisers
Ang buwan ng Pebrero ay naghuhudyat ng simula ng Mahal na Araw. Nagpapatuloy ang daang kalbaryo na tinatahak ng ating bansa. Ang panibagong latay sa likod ni Inangbayan ay nanggagaling na naman dating “serial killer” nating pangulo. Nagmungkahi ang loko na humiwalay na lang ang Mindanao sa Pilipinas at maging hiwalay na bansa. Pumanegundo dito ang isa pang hangal. Siya ay kumakatawan sa unang distrito ng Davao si Pantaleon Alvarez. Isa lang ang tanong ng abang kolumnistang nabubuwisit: NASISIRAAN BA TALAGA KAYO NG BAIT?!? Hindi ako naging tahimik kapag nagbunganga itong dating pangulong “serial killer”; bagkus dinadaan ko na lang sa haragang pang-aalaska ang utot na namumutawi mula sa kanyang bunganga.
Hindi ko talaga mapapalampas ito. Hindi na ako magpapatumpik-tumpik; ang mungkahi ng dalawang sira ulo ay ang ng pagkalasog ng bansa. Kaya kayo ay taksil. MGA TRAYDOR. Dahil ang mungkahi ninyo ay sedisyon. Uulitin ko: TAKSIL KAYO. Dapat patawan kayo at ang tulad ninyo ng parusang nararapat sa mga taksil. Ang dahilan na hindi naging kasali ang Mindanao sa paglikha ng Republika ng Pilipinas ay maling-mali. Magbasa kayo ng kasaysayan. Isa pa, ang serial killer ex-president mismo ang naglagda ng Bangsamoro Peace initiative upang maiwasan ang pagkalas. Ibig sabihin ang mismong naglagda kumokontra sa nilagdaan niya. Nagpara ng siyang tigreng papel na kumain ng sarili niyang tae.
Tama ang narinig niyo. Si Rodrigo Duterte ay isang tigreng papel; walang pangil at puro utot. Sumabay sa lapaan ng dumi ang kanyang mga kampon na kuting. Hindi seseryosohin ng kahit sino ang utot niyang puro hangin. Sampu ng kanyang mga kasapakat, niluluraan nila ang ala-ala ng mga nagbuwis ng dugo upang ang Pilipinas ay maging isang malayang republika; kabilang dito si Gat José Rizal, na itinapon sa Dapitan ng mga Kastila.
Uulitin ko, ang Pilipinas ay malayang bansa, sa ilalim ng isang watawat na may tatlong ginintuang bituin. Ulitin ko: si Rodrigo Duterte, sampu ng mga tulad niya ay mga TAKSIL!!! Walang matino na maniniwala o kakagat sa kahibangan ninyo. Ang salita ninyo sampu ng inyong poon na tigreng papel ay walang ngipin. Tinik kayo sa koronang ipinuputong ninyo na bayang na patuloy nahihirapan gawa ng mga pulitikong tulad ninyo. Kaya huwag matakot baka mangagat ang papel na tigre. Bungal siya at walang kagat. Ang alulong ng mga tukmol ulol na tulad ni Rodrigo Duterte, at huwag pansinin. Sarili lang at ang kapangyarihan ang mahal nila. Nangingilid ang luha ko dahil may mga taong ganito.
Nangingilid ang luha ko dahil may mga taong paruloy na nauuto. Isa lang ang katiyakan: Lilipas din ito. Mananatili ang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng watawat, taglay nito ang tatlong ginintuang bituin. Ang Luzon, Visayas, at Mindanao ay mananatiling isang buong Republika ng Pilipinas. Sa mga tulad ng dating pangulong “serial-killer” na ngayon ay baliw na “serial-killer”, mga nakapalibot sa kanya na tulad ni Pantaleon Alvarez, mga kapit-tukong trapo, at mga nagnanais ng pagbago ng Saligang-Batas. Hanggang sa huli kong hininga, mananatili ang pagkamuhi ko sa inyo. Mamamatay din kayo. Bukod sa inyo, Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian. Mabuhay ang nagiisa at buong Republika ng Pilipinas.
***
PABABAIN natin ang taas ng ating dugo, at palamigin ng bahagya ang init ng ulo. Narito ang isang tula na likha ng kababayan kong itatago ko lamang sa sa pangalang Isabelo Santos. Nakatuon ito para sa lahat ng mabubuting Pilipino na nagmamahal sa Inangbayan:
Sa kaibuturan ng puso,
Kinatatakutang magwakas,
Hiningang pangamba ay mapugto,
Tila wala ng bukas.
Gahiblang nakadikit sa puno,
Pinakatuturing na hiyas,
Pag-asa ang mumutawi,
Sa awang ng mga pangarap!
****
Sa Pebrero 12 ang UST Alumni Cup Golf Tournament sa Eagle Ridge Golf Club. Ang kikitain ay pampondo sa mga mabubuting gawain ng University of Santo Tomas Alumni Association. Kasama ang inyong lingkod sa College of High School.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Ang target po ng kunwari “People’s Initiative” para amyendahan ang 1987 Constitution ay ang pagpapirma ng mga rehistradong botante sa halagang P100. lto po ay pagbibenta ng kinabukasan ng inyong mga anak at ng susunod na henerasyon.
HUWAG PUMIRMA, SA HUWAD NA SISTEMA!!!…” – Ding C. Velasco, netisen, kritiko
“Yung bilib na bilib ka sa idol mong taga Davao…
Paniwala mo napakagaling nya pero dumayo ka pa sa Maynila para maghanap ng trabaho?…” -Darius Balosa, netisen, kritiko
“Magpasalamat tayo na hanggang ngayon ay may problema pa tayo…ibig sabihin buhay pa tayo .
Mga patay lang ang wala nang problema!
TANDAAN NYO YAN!!!…” -Hector Mison, netisen, kritiko
“Taga-MINDANAO ako…
Gusto kong ihiwalay ang may sayad sa mga matitino…” -Allan Mindaña, netisen, kritiko
***
Wika-Alamin: LAMBÁL- Mitsa o sinulid o nilubid na sinisindihan gaya ng nasa loob ng kandila, o paputok, lampara, o gasera. Ito ang kapirasong sinulid na pinalibutan ng espirma o “wax” sa kandila. Ang “mitsa” ay halaw sa salitang Kastila na “mecha”. Ang isang tawag sa LAMBÁL ay “PABILO”. Ang huli, ay rituwal sa simbahang Katolika. Ito ang pagsindi ng malaking kandila o tinatawag sa Ingles na “paschal candle”. Ito ay sinasagawa tuwing Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday. Ang kandila ng pabilo ay nananatiling nakasindi nanggang sa susunod na Linggo ng Pagkabuhay kung saan ito ay pinapalitan.
***
Jok-Onli:
JUAN: Babes, alam mo ikaw ang orignal na susi ng puso ko!!!…
MARIA: Talaga lang ha… Sino kasama mo kahapon?!?…
JUAN: Ha?, Eh wala yun… Duplicate lang yun…
***
mackoyv@gmail.com