Advertisers
NASAWI sa ambush ang isang mataas na kawani ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa lungsod, Biyernes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Jose Raymond “Choco” Marquez, 42 anyos.
Tinambangan si Marquez sa mataong bahagi ng Sinsuat Avenue, Cotabato City, sa tapat mismo ng isang gasoline station na hindi kalayuan sa kanilang tirahan.
Si Marquez, na nagmula sa kilalang mga naunang angkan ng mga Katoliko sa Cotabato City, ang mga Ante at Marquez, ang chief of operations ng CDRRMO ng lungsod.
Apo si Marquez ng namayapang pari na si Jose Ante ng Oblates of Mary Immaculate congregation na naging presidente ng Notre Dame University sa Cotabato City, ang pinakamalaking unibersidad na Katoliko sa buong Central Mindanao.
Wala pang linaw sa mga imbestigador ng Cotabato City Police Office kung sino ang mga pumatay kay Marquez at kung ang ano ang motibo ng krimen.