Advertisers
NAPATAY ng isang nagwalang Yakan na mister ang kanyang misis bago siya napatay ng kanyang bayaw na nag-responde sa kakaibang insidente na naganap sa isang liblib na barangay sa bayan ng Al-Barka, Basilan noong Biyernes.
Sa mga hiwalay na ulat ng Albarka Municipal Police Station at Basilan Provincial Police Office, unang pinagtataga ni Labi Abdulganih ang kanyang misis na si Junaira sa kanilang bakuran sa Sitio Buwal, Barangay Look Bisaya, at nang tumakbo ito palayo upang humingi ng saklolo ay pinagbabaril ito ng assault rifle.
Agad nasawi si Junaira sa mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan, hanang isang kapitbahay ng mag-asawa, si Julasbi Asari, ang sugatan sa walang patumanggang pamamaril ni Abdulganih sa kabiyak.
Ayon sa Albarka MPS, isang kapatid ng napatay na si Junaira na nagulat sa mga putok ang kumuha rin ng assault rifle sa loob ng kanilang tahanan at pinaputukan ang kanyang bayaw (Abdulganih) na nagresulta ng agarang kamatayan nito.
Agad inilibing ng mga kamag-anak ang mga nasawi na mag-asawa batay sa kanilang kaugalian na kailangang mailibing agad ang mga pumanaw na sa loob 24 oras mula pagkamatay.