Advertisers
MASUSI nang iniimbestigahan ng Department of Agriculture (DA) ang hindi tamang pagbebenta ng NFA rice sa ilang piling rice traders ng National Food Authority (NFA).
Inihayag ng liderato ng Department of Agriculture (DA) na ilalabas nila ang findings ng imbestigasyon sa mga sunod na araw.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, ipinag-utos na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sa dalawang opisyal ng NFA, na idinadawit sa kontrobersiya, na boluntaryong maghain ng kanilang ‘leave of absence’.
Nitong Biyernes, inatasan ni Laurel si NFA Administrator Roderico Bioco at Assistant Administrator for Operations Lemuel Pagayunan na mag-leave upang matiyak ang patas na imbestigasyon.
“Fair kasi si Secretary. Gusto niya iyong dalawa, si Administrator Bioco at saka si Assistant Administrator for Operations Lemuel Pagayunan, mag-leave of absence muna para mas maging fair iyong investigation,” pahayag ni De Mesa.
Ipinunto ni De Mesa na kasalukuyan nang nagsasagawa ng review sa mga dokumento ang panel of investigator at nagsasagawa narin ng interview, kaya asahan ang updates sa nangyayaring investigation.
Nilinaw ni De Mesa na hindi nagtakda ng deadline si Sec. Laurel sa ikinasang imbestigasyon.
“Walang binigay na specific deadline si Secretary, pero doon sa phase na kino-conduct iyong review, we can expect very soon mayroon ng lalabas na resulta iyong mga panel of investigator,” ani De Mesa.