Advertisers
IPINAHAYAG ni Department of Justice (DOJ) Secretary, Atty. Jesus Crispin Remulla, na sasampahan ng kasong ‘child abuse’ at ‘qualified trafficking’ si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Ayon kay Remulla nitong Lunes, Marso 4, may kinalaman ang naturang mga kaso sa krimeng ginawa ni Quiboloy noong 2011 laban sa isang babaeng 17-anyos pa lamang nang panahong iyon.
Ihahain ang naturang mga kaso ng prosecutors sa Pasig City at Davao City.
Matatandaang naglabas kamakailan ng subpoena ang Senado at Kamara laban sa pastor kaugnay ng mga pang-aabuso ng KOJC, at ng mga nilabag daw ng SMNI.
Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.
Kamakailan lamang, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig sa Senado upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.
Hindi sumipot ang pastor sa naturang pagdinig ng Senado, dahilan kaya inisyuhan siya ng subpoena.
Samantala, sa isang pahayag kamakailan, itinanggi ni Quiboloy ang mga alegasyon, sinabing pinag-aagawan lang siya ng mga babae dahil single siya at mayaman.
Nagpa-contest pa si Quiboloy na bibigyan niya ng P1,000 ang sinumang makakahula kung nasaan siya.
Si Quiboloy ay nasa “red list” o wanted list ng Federal Bureau of Investigation sa Amerika kaugnay ng kasong human trafficking.