Advertisers

Advertisers

Clamping ng mga motorsiklo sa Maynila, tigil Muna – Mayor Honey

0 46

Advertisers

Ito ay matapos na makatanggap si Manila Mayor Honey Lacuna ng mga reklamo hinggil sa hindi maayos na implementasyon nito.

Ayon kay Lacuna, ang clamping ng mga motorsiklo sa lungsod ay ipinatupad nila base na rin sa Manila City Ordinance No. 8998, na alinsunod sa napagkasunduan ng mga alkalde sa iba’t ibang lungsod ng Metro Manila, kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Aniya, layunin nitong tiyakin na magiging maayos ang trapiko sa mga National Roads at Mabuhay Lane.



Gayunman, kaagad umanong ipinag-utos ng alkalde ang pansamantalang pagpapatigil dito dahil sa natanggap na reklamo.

“Ngayong araw (Miyerkules), ako ay naglabas ng kautusan na IPATIGIL ANG CLAMPING NG MOTOR sa Lungsod ng Maynila,” ayon kay Lacuna, sa isang video message.



“Aking pinatigil ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa sa kadahilanan may ilang reklamo tayong natatanggap ukol sa hindi maayos na pagpapatupad nito,” dagdag pa niya.

Nabatid na kaagad ring inatasan ni Lacuna si Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje upang imbestigahan ang mga nasabing reklamo.



Samantala, pinapaalalahan rin ng alkalde ang lahat na ang mga pormal na anunsyo tungkol sa mga bagong polisiya sa lungsod ay makikita lamang sa ‘Manila Public Information Office Facebook Page’ o sa kanyang official Facebook Page na ‘Dra. Honey Lacuna.’

“Ang mga impormasyon na pinapasa lamang, katulad ng mga screenshots or voice audio, na hindi lumabas sa dalawang Facebook Pages na aking nabanggit ay hindi nanggagaling sa aming tanggapan,” aniya pa.

Hinihikayat rin naman ng alkalde ang lahat na makipagtulungan sa kanya at sa pamahalaang lungsod sa pagpapaganda at pagsasaayos ng Maynila. (ANDI GARCIA)