Advertisers
MATAPOS mawalan ng barangay hall ay nagdesisyong ipagamit ng isang tserman ang kanyang bahay sa Malabon para magsisilbing barangay hall upang ‘di maputol ang iginagawad na serbisyo sa mga ka-barangay.
Sa panayam ng Police Files Tonite, ibinahagi ni Kapitan Brian Manapat ng Bgy. Catmon na nilisan na nila ang evacuation center building sa Catmon Park na nagsilbing barangal hall at ginamit nilang public service venue para sa mga taga-Catmon mula pa 2019.
Para hindi mapatid ang regular na serbisyo ng barangay, sinabi ng butihing tserman na hindi ito nag-atubiling gawing barangay hall ang tahanan sa Hernandez Street para maging bagong public service venue sa mahigit 44,000 residente ng Bgy. Catmon.
Araw-araw ay may dumudulog na 500 o higit pang bilang ng mga residente na nagre-request ng Bgy. Certification, ID, residency at ang napaka-importanteng Bgy. Indigency na requirement para sa medical emergency assistance mula sa government agencies.
Sinabi ni Kap. Manapat na Agosto 5 ay nakatanggap siya ng liham na may petsang Hulyo 29 mula kay Mayor Jeanie Sandoval na binibigyan ang kanyang pamunuan ng 10 araw para lisanin ang 2-storey evacuation center building na ginagamit nilang barangal hall sa nakaraang limang taon.
Nagdulot ng malaking problema ang liham ng mayora, pero bilang elec-ted official na mahalaga ang salitang respeto at may galang sa batas, kasama ang mga kawani ay tahimik na nag-impaki’t binitbit ang mga kagamitan ng barangay palabas ng evacuation center, ayon kay Kap. Manapat.
Ang burulan na makikita rin sa Catmon Park, na malaki ang naitutulong sa mga residenteng kulang ang panggastos sa burol ng mga namamayapang mahal sa buhay, ay kinuha narin sa kanya ang pamamahala ng Malabon City government.
Ang nilisan na gusali ng evacuation center, iba pang estraktura, kasama ang apat na kuwarto ng burulan na libreng pinapagamit sa mga namatayan na taga-Catmon ay mga proyekto ng administrasyon ng noo’y Mayor Lenlen Oreta na ibinigay ang pamamahala sa barangay.
Sa kabila ng nararanasang mga pagsubok, siniguro ni Kap. Manapat sa mga residente ng Catmon na gagawin lahat ng kanyang liderato ang nararapat para matanggap nila ang serbisyong dapat na maibigay sa kanila ng barangay.
“Mahirap mawalan ng opisina’t lugar lalo’t ang Catmon ay isang malaking barangay na libo-libong residente ang pinagsisilbihan pero ‘di dapat ito maging balakid para huminto tayong magtrabaho kaya tuloy lang ang ating serbisyo,” dagdag pa ng 43-anyos na punong barangay.