Advertisers

Advertisers

VP SARA AT SEN. RISA NAGKASAGUTAN SA P10-M PONDO PARA SA LIBRO!

0 33

Advertisers

NAGKASAGUTAN sina Vice President Sara Duterte-Carpio at Senadora Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado kaugnay sa panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP), Martes ng umaga.

Sa nasabing pagdinig ng Senate committee on finance kaugnay sa panukalang P2.307 bilyong budget ng OVP para sa susunod na taon, tinanong ni Hontiveros ang tungkol sa P10 milyong alokasyon para sa libro na ipapamahagi ng Bise Presidente para sa mga bata sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

“Pwede po bang sabihin ni VP sa atin more tungkol sa content ng librong ito na bibilhin ng gobyerno for distribution? Ilang libro ang bibilhin at idi-distribute?” tanong ni Hontiveros.



Hindi nagustuhan ng Bise Presidente ang tanong ng senadora. Isang uri aniya ito ng pamumulitika sa pondo ng gobyerno.

Giit ni Duterte, hindi “for sale’ ang libro at ang gagastusin ay para sa publication nito.



“We will send Sen. Hontiveros a copy so that she will know what is the content of the book,” ani Duterte.
“That is an example of politicizing the budget of the government. […] Ang problema niya kasi, nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro, at ‘yung libro na ‘yan ibibigay namin doon sa mga bata. At ‘yung mga bata na ‘yan may mga magulang na boboto, at ‘yung pangalan ko ay nagkalat doon kung saan man ibibigay ‘yung libro,” paliwanag pa ni Duterte.

“Hindi ko maintindihan ‘yung ugali ng ating resource person. It is a simple question, paulit-ulit na ‘This is politicizing.’ Ang VP ang nagbanggit ng salitang ‘boboto’, wala akong sinabing ‘boboto.’ I’m simply asking,” sagot naman ni Hontiveros.



“Hindi ko ma-imagine we’re making so much trouble, so much fuss about a P10-million item na itinatanong ko lang, simpleng ‘What is the book about?’ at ilang kopya ang bibilhin ng gobyerno sa halagang P10 million at idi-distribute. I don’t appreciate this kind of attitude,” diin pa ni Hontiveros.

Muli namang bumuwelta si Duterte, sinabing hindi rin aniya maintindihan ang ugali ni Hontiveros, saka binanggit ang nangyari noong eleksyon 2016.

“Hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros. And I do not appreciate this kind of behavior and attitude”, saad ni Duterte.

“Noong 2016, tumatakbo si Senator Risa na senator, nakailang talo na siya, dalawa. Natatakot siya sa pangatlong talo niya kaya pumunta siya sa Davao, humingi siya ng tulong sa isang kagawad ng Davao.

Humingi siya ng tulong sa akin thinking na hindi mananalo si Pangulong Rodrigo Duterte… Sabi ko sa kaniya, ‘Sige tutulungan kita.’,” pahayag ni Duterte.

Nang tulungan naman niya si Hontiveros at manalo itong senador noong naturang eleksyon, nagulat siyang ang senadora ang pinakaunang umatake sa kaniyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Noong nanalo siya, anong ginawa niya? Siya ang pinakaunang umatake kay President Rodrigo Duterte. Anong tawag sa ugaling ganito?”, sabi ng Pangalawang Pangulo.

Nakialam na si Senador Grace Poe, chairman ng komite, kungsaan hiniling niya sa mga resource person na manatili sa paksa lamang ng badyet.

“I understand the history among all of us here, but I think we should stick to the budget,” saad ni Poe.
Ibinalik ni Poe ang usapin hinggil sa libro, at doon na sinagot ni Duterte na tungkol ito sa pagkakaibigan.

“The explanation is in the title: ‘Isang Kaibigan.’ It’s about friendship,” ayon kay Duterte.

Sumagot naman si Hontiveros: “Kung sana ganoon ‘yung sagot noong simula pa… Nagkuwento pa ng kuwento na sinabi dati na walang kinalaman sa tanong ko. This is public funds and we are making inquiries. Budget hearing po ito. Hindi po lahat about you. Pera po ito ng taumbayan.” (Mylene Alfonso)