Advertisers
Ni CRIS A. IBON
KUMPIRMADO ng grupo ng Anti-Crime and Vice Crusaders ang tila kabuteng pagsusulputan ng mga “burikian” o “paihi” ng sindikatong “Violago” na kasama sa listahan ng big-time drug dealers sa panahon ng Duterte administration ‘War on Illegal Drugs’.
Kinabibilangan ang grupo nina alyas Bogs, Cholo at Goto na kasali sa listahan ng narco-politicians ni ex-President “Digong” Duterte.
Dahil sa sunod-sunod na paglubog ng mga barkong MT Mirola 1, MT Terra Nova at MT Jason Bradley kamakailan, pansamantalang naghinay-hinay ang sindikato sa kanilang petro-smuggling activity at itinutok ang kanilang operasyon sa mga paihian/burikian gamit ang kanilang mga dummy, mga umaaktong may-ari o kapitalista at tagapamudmod ng lingguhang suhol o lagay sa mga awtoridad tulad ng PNP, NBI at port officials.
Sa sangkaterbang kuta na nailatag ng Violago Group, pinaka matibay ang nasa Barangay Bancal, Carmona City na pinopostehan ng drug pusher na si alyas “Amang” na may matinding mga “pamato” sa hurisdiksyon nina Carmona City Mayor Dahlia Loyola at police chief Lt. Colonel Jefferson Ison. Higit na sa tatlong dekada na nag-o-operate ang sindikato sa naturang barangay.
Nabalewala maging ang kampanya nina Cavite Governor Junvic Remulla laban sa operasyon ng smuggling, paihi at ilegal na sugal pagkat hindi nito nagawang patigilin ang illegal business ng sindikatong Violago at Amang pati na ang sakla operation sa kanilang probinsya.
Mistulang “nagtaingang kawali” sina Gov. Remulla at Cavite PNP Provincial Director, Col. Eleuterio Ricardo Jr., sa inirereklamong operasyon ng mga saklaan sa mga bayan ng Amadeo, Naic, Ternate, Maragondon, Magallanes, Bailen; at sa mga siyudad ng Dasmariñas, Bacoor at Cavite na pinapatakbo ng isang Hero at “NBI agent” na si Elwyn.
Nanawagan ang Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) kay National Bureau of Investigation (NBI) Director, retired Judge Jaime Santiago, na tuldukan na ang pamamayagpag ng nagpapanggap na Cavite NBI District Office agent na si alyas Elwyn na nangongolekta ng lingguhang protection money mula kina Violago, Amang at mga sakla operator sa mga nabanggit na bayan at siyudad panakot ang mga pangalan ng NBI Cavite, Regional 4A District Office at maging ang walang kamuwang-muwang na tanggapan ng NBI Director.
May kuta ring pinatatakbo sa Batangas City ang sindikatong Violago, dummy ang isang Duterte Die Hard Supporter (DDS) na PNP colonel at isang “Sgt. Buloy” sa harapan ng main gate ng Batangas City Pier sa Brgy. Sta. Clara.
Ang naturan ding DDS colonel, na dating superior officer ni Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., at Sgt. Buloy ang operator ng higit sa 500 colorum van at illegal terminal sa parking area sa Batangas City Pier.
Kinumpirma ng MKKB na may 15 pang kuta ang Violago Group sa hurisdiksyon nina PNP Region 3 director BGen. Jose Hidalgo Jr. at Bataan PNP Provincial director Col. Palmer Tria. Ilan sa mga ito ay nasa magkakahiwalay na lugar sa mga bayan ng Hermosa na ino-operate nina Albert, Rose, Cabiling at Lito; Limay nina Bogs at Pedro; Mariveles nina Juvy, Suya at Blade; Abucay ni Ben at Imelda; Limay ni Kap Velasco; at Brgy. Mabato, Orion ni Romy.
Na-raid na ng NBI ang pinagkukutaan nina Juvy, Suya at Blade, ngunit kaduda-dudang muling nakapag-operate ang mga ito.
Sa Bulacan, balwarte ng Violago Group, ay natukoy din ng MKKB ang mga kuta ng sindikato sa sa iba’t ibang lugar sa mga bayan ng Meycauyan, Plaridel at Bustos.
Isang alyas Ricky ang kumokolekta ng P2.7 million payola mula sa kuta ng sindikato sa Bulacan na isinusulit sa isang Camp Crame based lady colonel na malapit kay PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil.
May isang alyas “Oscar” ang lingguhan ding kumokolekta ng P3m na “timbre” na pinaghahatian ng tanggapan ng ilang matataas na opisyales ng PNP Camp Crame, PNP Region 3, NBI main Headquarter, NBI District Office, Port official tulad ng Coast Guard, Customs at PNP Maricom sa operasyon ng smuggling, paihi na front din ng drug trade ng sindikatong Violago sa Bataan na nire-remit sa isang alyas Maklang at Wano.
May parating ding P2.7m para sa tanggapan ng NBI Regional 4-A District Office kapalit ng pulido at walang sagabal na smuggling, paihi at illegal drug operation ng Violago Group. May “weekly” din para sa mga LGU at lokal na pulisya.
Samantala, iniutos na sa Lucena City ni Mayor Mark Don Victor Alcala kay Police Chief LtCol. Dennis De Guzman na ipagiba ang tatlong pwesto ng paihian na front din ng bentahan ng droga ng sindikatong Violago na pinatatakbo ng isang Amigo sa kahabaan ng Ecotourism Road, Brgy. Ibabang Talim, Troy sa Brgy. Salinas, at Bong sa Brgy. Isabang na pawang nakunan ng litrato ng Police File photog kamakailan.
Hindi pa mabuwag-buwag nina Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan at PNP Provincial Director Col. Ledon Monte ang isa pang kuta ng sindikatong Violago na pinapatakbo din ni alyas Amigo sa bayan ng Pagbilao at sa Brgy. San Luis, Guinyangan na pinamamahalaan nina Sammy at Alfred.