Advertisers

Advertisers

MODERNISASYON, SUSI SA MAS EPEKTIBONG PAMAHALAAN

0 25

Advertisers

MALIWANAG pa sa sikat ng araw na isang mahalagang hakbang ang ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos aprubahan ang Philippine Civil Service Modernization Project (PCSMP).

Kung hindi ako nagkakamali, sa ilalim ng proyektong ito, layunin ng pamahalaan na gawing mas episyente ang burukrasya at paghusayin ang serbisyong pampubliko ng bansa.

Sabi nga ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang PCSMP ay tututok sa pagpapabuti ng mga proseso at pamamahala ng human resource sa pampublikong sektor, na magreresulta sa mas maayos na public service para sa lahat ng Pilipino.



Halos dalawang milyong lingkod-bayan ang direktang makikinabang sa programang ito.

Sa pamamagitan ng modernisasyon, magiging interconnected at digitalized ang mga ahensya ng gobyerno sa paghawak ng pampublikong pondo at sa pagpuno ng mga bakanteng posisyon.



Napakahalaga ng hakbang na ito dahil ang kasalukuyang sistema ng serbisyo sibil ay pinipinsala ng mabagal at hindi episyenteng pamamahala, lalo na sa pagtatalaga ng mga bakanteng posisyon na sinasabing tumatagal ng ilang buwan bago mapunan.

Aba’y maliwanag na ang kasalukuyang sistema ay hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng publiko.



Ang kakulangan sa konektibidad ng mga ahensya, hindi maayos na pamamahala ng pondo, at kakulangan ng mga tauhan ay nagdudulot ng mababang produktibidad sa gobyerno.

Ang epekto nito ay nakikita sa araw-araw na serbisyo ng pamahalaan—mula sa kawalan ng sapat na tauhan hanggang sa mabagal na pagproseso ng mga dokumento.

Hindi lamang ito usapin ng modernisasyon kundi pati na rin ng responsableng paggamit ng pampublikong pondo.

Nakikita kasi na ang mas episyenteng pamamahala ng pondo at payroll sa gobyerno ay magpapabuti ng serbisyo sa bawat Pilipino, mula sa pinakamalaking lungsod hanggang sa pinakamalalayong barangay.

Dapat nating kilalanin ang mga pagsisikap ng administrasyong Marcos na palakasin ang serbisyo sibil at ang buong sistema ng pamahalaan.

Mapapalakas nito ang kakayahan ng gobyerno sa paghahatid ng tamang serbisyo, at sa huli, magbibigay ng mas maliwanag na hinaharap para sa ating bansa.

Gayunman, kailangan din nating bantayan at tiyaking ang bawat hakbang ay tunay na para sa ikabubuti ng sambayanan—hindi lamang ngayon kundi para sa mga susunod na henerasyon.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.