Advertisers
HAYAGANG humirit si National Bureau of Investigation (NBI) Director, Atty. Melvin Matibag, na maaresto na sana si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bago sumapit ang Pasko.
Batay ito sa naging urirat ng media kay Matibag nitong Biyernes, Nobyembre 6, 2026, kung posible ba raw na matiklo ng mga awtoridad ang nagtatagong senador.
“Mahuhuli po kaya siya bago mag-Pasko?”, anang media.
Tugon ni Matibag, idiniin niyang umaasa sila na mahuli si Dela Rosa upang maging masaya ang lahat sa darating na Pasko.
“Sana mahuli natin para naman maging masaya ang Pasko ng bawat isa, kasama na si Sen. Bato,” matipid na sagot ng direktor.
Matatandaang binigyan lang ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Jose Melencio Nartatez Jr., noong Oktubre 23 ng isang linggong palugit para sumuko sa mga awtoridad si Dela Rosa.
Ngunit habang sinusulat ito, wala pang mga impormasyon ng kinaroroonan ng senador, sa kabila ito ng P50 milyong pabuya na inilaan ng mga awtoridad, partikular ng Department of the Interior ang Local Government (DILG), PNP, at iba pa, sa makakapagturo at makakatulong na maaresto si Dela Rosa.
Sinabi naman ni Palace Press Officer/Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro noong Oktubre 29 na magmumula sa confidential funds ng law enforcement agencies ang naturang halaga ng pabuya sa makakatulong na makahuli sa senador.
Ang alkalde ng Cagayan de Oro City na si Klarex Uy, na napasama sa narcolist ni Duterte at ang anak ay naging biktima rin ng extrajudicial killings, ay nag-alok ng P20 million para sa makahuhuli kay Dela Rosa.