Advertisers
AMINADO si Gongdi na totoong inilunsad niya ang mapaminsalang war on drugs, ngunit itinatanggi niya na akuhin ang pananagutan sa libo-libo katao na iniutos na patayin ng mga pulis at vigilante. May katwiran si Gongdi upang tumanggi na akuhin ang pananagutan. Sa sandaling akuhin niya ito, mauubos ang kanyang yaman – ninakaw o hindi – upang bayaran ang pamilya ng kanyang mga ipinapatay.
Aminado si Gongdi na itinatatag niya ang Davao Death Squad (DDS) at itinuro niya si Bato dela Rosa bilang isa sa mga hepe ng DDS kahit todo tanggi si Bato na may DDS. Sa sandaling aminin niya ito, magkakasama sila ni Gongdi na madidiin at malamang diretso sila sa bilangguan. Bukod diyan, hindi siya mahahalal muli sa 2025. Bakit ihahalal ang hepe ng DDS?
Kagulat-gulat ang testimonya ni Gongdi sa subcommittee ng Senado. Kagulat-gulat ang pagtanggi at pagtatakip ni Bato at Bong Go sa anumang pananagutan. Ito ang dahilan kung bakit TuwadComm ang tawag sa subkomite ni Koko Pimentel. Wala itong kredibilidad kahit katiting. Parang kriminal ng gang tulad ng Sigue-Sigue Sputnik at Bahala Na Gang.
Hindi tinutuklas ng subkomite ang katotohanan sa war on drugs. Nagsalita si Bong Go at pilit kinukumbinsi ang bayan na tanggapin ang giyera kontra droga bilang katanggap-tanggap at tagumpay. Kung may nangyari sa pagdinig, ito ang pag-amin na siya nga ang naglunsad ng war on drugs at tama lang na habulin siya.
Kunsabagay, kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na minamatyagan nila ang galawan sa subkomite ni Koko at kahit sa QuadComm sa Camara de Representante. Sa maikli, gagamitin laban kina Gongdi, Bato, at Bong Go ang anumang llaabas sa public hearing. Wala silang kawala. Kahit anong iwas niya, hindi siya makakapalag sa ICC.
Sa maikli, diin na diin siya sa crimes against humanity. Sa isang upuan, nakuha ang dapat niyang aminin at sabihin sa HuwadComm. Walang dahilan na hindi gamitin ang kanyang kumpisal sa subkomite ng Senado.
* **
SA HINDI inaasahang pagkakataon, lumabas na bida si Risa Hontiveros sa nakaraang pagdinig ng HuwadComm sa Senado. Tumindig si Risa at hindi natakot kay Gongdi na totoong walang alam kundi manindak at manduro ng kaharap.
Hindi nangimi si Risa na ipahayag ang saloobin. Nagtanong siya ng maayos at hindi siya lumayo sa pagiging edukado kahit ang kaharap ay isang bastos at walang modo. Ganito niya ipinahiya si Gongdi. Hindi siya nakipagpaligsahan kay Gongdi. Walang dahilan at matwid ito.
Kahit si Jinggoy na wala rin respeto sa sarili ay pinagsabihan ni Risa na hindi biro ang usapan sa giyera kontra droga. Supalpal si Jinggoy at tumigil siya sa satsatan na walang kapararakan na pupuntahan sa pagdinig ng HuwadComm. Kay Risa ang araw. Siya ang nakinabang.
***
HINDI kami magtaka kung sumentro ang QuadComm sa pagsisiyasat ng palpak ng giyera kontra droga ni Gongdi sa muling pagbubukas ng pagdinig sa ika-6 ng Nobyembre. Hindi kami magtaka kung busisiin ng mga mambabatas ang papel ni Michael Yang, ang tiwaling Intsik na ginawa pang presidential consultant ni Gongdi kahit walang nalalaman sa gobyerno.
Hindi kami magtaka kung tuluyan madiin si Gongdi. Walang idinulot na kabutihan sa bansa ang digmaan kontra droga. Kahit anong pagmamalaki ang gawin ni Gongdi, dumidilat ang katotohanan na dumami lang ang biyuda at ulila sa kayang palpak na programa. Hindi makakaila na mapaminsala ito.
Nakikita namin na ang tatamaan sa imbestigasyonng ICC ay si Gongdi, Bato, at Bong Go. Huwag na umaso si Bato at Bong Go na muling mahalal. Mabuti ang magretiro na lang sila sa pulitika at paghandaan ang paglilitis ng ICC.
Malinaw na gusto nila na iligaw ang imbestigasyon ng HuwadComm. Ito ay ang kumbinsihin ang mga kaanak ng biktima na magdemanda sa lokal na hukuman at hindi dumulog sa ICC. Pero hindi ito kinagat. Batid ng mga kaanak na wala silang maaasahan sa lokal na husgado. Maraming hukom ang tiwali at mabibili ni Gongdi.
***
TAMA ang desisyon ni Chiz Escudero na huwag anyayahan muli si Gongdi na magbigay ng testimonya sa HuwadComm kung magkakaroon nga ng pangalawang public hearing. Ulyanin na si Gongdi at mukhang hindi niya alam ang sinasabi sa pagdinig. Nagkalat sa maikli. Hindi kami magtaka na kaya hindi aanyayahan muli si Gongdi ay dahil hindi nila makontrol ang kanyang bunganga.
Ganyan rin ang tingin ni Koko Pimentel at kahit si Bato at Bong Go. Kontrolado nila ang hearing dahil tanging si Risa Hontiveros lang ang nagsasalita ng tama. Pero hindi nila kontrolado si Gongdi. Mas lalo lang silang madidiin sa kapalpakan ng drug war ni Gongdi.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Hanggang kasali si Bato at Bong Go sa imbestigasyon ng HuwadComm, walang maniniwala diyan. Wala itong kredibilidad.” – PL, netizen, kritiko
“Huwag mainip sa ICC. Ang mahalaga ay nasa ilalim ng proseso ng ICC ang sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi.” – George Medina, netizen
***
Email:bootsfra@gmail