Advertisers
Ni Archie Liao
TAONG 1992 nang magtambal sina Vilma Santos at Aga Muhlach sa pelikulang “Sinungaling Mong Puso”.
Nasundan pa ito noong 1994 ng “Nag-Iisang Bituin” na idinirehe ni Jose Javier Reyes.
Pagkatapos ng dalawang dekada, muli silang magsasama sa pelikulang “Uninvited” na kalahok sa ika-50 edisyon ng Metro Manila Film Festival.
Ayon sa Star for All Seasons, noon pa raw ay bet na niyang gumawa ng reunion movie with Aga pero naghihintay lang siya ng tamang materyal.
Perfect daw na dumating ang “Uninvited” kung saan wala silang naisip na babagay sa role ni Guilly kundi si Aga sa obra ni Dan Villegas.
“Noong kina-conceptualize namin ang istorya nito, alam naming hindi siya madali. Initially ang tawag nga namin dito ay “Project Red.” Hindi talaga siya madali,” aniya. “Noong nabuo na namin ito, wala talaga kaming choice to play Guilly noong una pa lang ibinagsak kundi si Aga. That’s why, nagkaroon pa nga kami ng diskusyon. Tinawagan ako ni Aga,”O gawin ba natin ito?” Sabi ko, tanggapin mo kung hindi isosoli ko ang kandila bilang ninang ninyo ni Charlene. Sabi ko, pag di mo tinanggap , ibabalik ko iyong kandila dahil ninang nila ako ni Charlene sa kasal. So, sabi ko, tanggapin mo dahil gusto na kitang bakbakan,” pahabol niyang may halong pabiro.
Bukod kay Aga, nagpapasalamat din daw siya na tinanggap ni Nadine ang nasabing proyekto.
Hirit pa niya, ginawa raw nila ang “Uninvited” na hindi iniisip na ipasok sa taunang piyesta ng pelikulang Pilipino.
Dagdag pa niya, hindi rin daw nangangahulugan dahil two consecutive na may MMFF entries siya ay magiging taunang tradisyon na ang pagsali niya sa nabanggit na film festival.
“Actually, nagkataon lang siya na nakapasok sa MMFF. When we were planning the story of the movie, wala sa plano naming isali siya sa MMFF. Ang usapan namin is to really make a good film that we can really be proud of. Pero sinuwerte naman siyang nakapasok sa MMFF at natanggap at thankful kami for that. Baka, it was meant to be,” esplika niya.
Espesyal din daw sa kanya ang movie dahil dream project niya ito.
“Noon kasing ini-interview ako kung ano iyong dream project ko. Sabi ko, kung magdi-direk ako, matagal ko nang sinasabi na kung gagawa ako ng pelikula, gusto ko iyong kuwento na nangyari ang pelikula in 24 hours, na nag-uumpisa nang maganda na matatapos na dilapidated na siya,”’ esplika niya.
“At my age rin, I want to make sure that I will do a movie that I think can still challenge me na palagay ko kahit paano sa movie na ito ay na-challenge ako. I don’t think about winning the best actress last year. Ang gusto ko lang makagawa kami ng magandang movie na maipagmamalaki namin sa lahat,” pagwawakas niya.
Sa “Uninvited” ay ginagampanan ni Vilma ang dual role nina Lilia at Eva.
Mula sa produksyon ng Mentorque Productions ni Bryan Dy at ng Project 8 at sa direksyon ni Dan Villegas mula sa iskrip ni Dodo Dayao, ang movie event of the year ay mapapanood na simula sa Araw ng Pasko, Disyembre 25 sa lahat ng sinehan sa buong bansa.