Advertisers

Advertisers

Kasuhan na si Duterte; at ang kaa-awang Mark Taguba

0 78

Advertisers

HINIHIKAYAT ni dating Ombudsperson Conchita Carpio-Morales ang gobierno na sampahan na ng kasong kriminal si dating Pangulo Rodrigo Duterte matapos niyang akuin mismo ang mga kasong pagpatay noong mayor ito at maging presidente ng bansa.

Sabi ni Morales, isang retiradong Associate Justice ng Korte Suprema at naging Ombudsman mula 2011-2018, sapat na ang mga ebidensiyang nabunyag sa House Quad Committee hinggil sa mga patayang nangyari noong mayor ng Davao City si Duterte at nang maging presidente ito ng bansa.

Inamin kasi ni Duterte sa Quad Comm ang mga patayang naganap noong nasa kapangyarihan siya. Ipinagmalaki pa nga niya na siya mismo ang pumatay sa ilang indibidwal. Iniutos din aniya ang mga pagpatay sa suspected drug pushers at addicts.



Sabi ni Morales, ang mga pag-aming ito ni Duterte sa Quad Comm ay sapat na para usigin at papanagutin ito sa mga paglabag sa batas.

Wala pang reaksiyon ang gobierno sa hamon na ito ni Morales vs Duterte.



Subaybayan!

***



KUNG napakinggan ninyo ang mga naging testimonya ni Mark Taguba sa House Quad Comm hearing sa dangerous drugs noong Miyerkoles, Nobyembre 27, 2024, maaawa ka sa taong ito. Naging biktima siya ng naghaharing ‘Davao Group’ na pinamumunuan umano ng ilang miyembro ng pamilya ni noo’y Presidente Rody Duterte.

Oo! si Taguba ay nahatulan ng ‘life imprisonment’ sa kasong pag-smuggle ng P6.4 billion halaga ng shabu na nasamsam sa isang warehouse sa Valenzuela City noong 2017.

Sa Quad Comm hearing, iginiit ni Taguba, 33 anyos ngayon (26 yrs. old siya nang mangyari ang krimen), na siya’y isang trucker lamang, hindi broker at lalong hindi drug lord. Ang tanging kasalanan lang aniya ay sangkot siya sa “tara” system o paglalagay sa mga opisyal sa Bureau of Customs para hindi ipitin ang kanyang mga kargamento.

Ikinuwento ni Taguba na nang maupo na presidente si Duterte noong 2016, pinapunta siya sa Davao City para magbigay ng P5 million para kay Paolo “Polong” Duterte na ipinadaan sa noo’y konsehal ng lungsod na si “Small” Abellera. “Tuition fee” daw yun. Ito’y para hindi na abalahin ang kanyang mga kagamento sa Customs, mailabas agad nang walang eksaminasyon o inspeksyon.

Wala raw siyang alam sa shabu smuggling, hinding hindi aniya ito gagawin kailanman.

Ang Davao Group daw ang hari noon sa Customs. Alam daw ng taga-Customs kung sino ang shippers ng shabu at kung saan ito galing. Ang Comissioner noon ay si Nicanor Faeldon, kaibigan ng pamilya Duterte.

Pero si Faeldon ay hindi manlang nadawit sa kaso, lalo na ang mga umano’y nasa likod ng shabu shipment na sina Polong Duterte at Mans Carpio.

Ang mga nakulong ay ang bodegero ng warehouse, si Mark Taguba, si Kenneth Dong at isa pang babae na tao ni Taguba.

Binanggit din ni Taguba ang pagiging bias ng Senate Blue Ribbon investigation na pinamumunuan noon ni Richard Gordon.

Aniya, nang banggitin niya sa pagdinig ang pangalan nina Polong at Mans ay inalisan siya ni Goron ng security at inalis na rin siya sa pagiging state witness, kungsaan nalagay daw sa panganib ang kanyang buhay, at nakatanggap ng katakot-takot na death threats!

Si Taguba ay kasalukuyang nasa pasilidad ng House para matiyak ang kanyang seguridad matapos hingin ni dating Senador Antonio Trillanes sa Quad Comm na ilipat muna ito sa pangangalaga ng House mula sa pagkakakulong sa Bureau of Correction hangga’t hindi natatapos ang mga pagdinig sa P6.4b shabu. Subaybayan!