Advertisers
NAGSAMPA ng mga kasong kriminal ang Bureau of Fire Protection (BFP) laban sa 16 indibidwal sa nasunog sa MV June Aster sa Coron, Palawan na ikinasawi ng 77 katao.
Sa panayam, sinabi ni BFP spokesperson Fire Senior Superintendent Anthony Arroyo na inihain ng Directorate for Investigation ng ahensya ang mga reklamo sa Manila City Prosecutor’s Office Nobyembre 11, 2026.
Kabilang sa mga isinampang kaso ang reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to property.
Kasama sa mga kinasuhan ang anim na tripulante ng barko, 3 opisyal at empleyado ng Atienza Interisland Ferries Inc., 3 opisyal at empleyado ng Mega Lifters Cargo Handling Corp., at 4 non-commissioned officer ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa Delpan-Baseco substation.
Kabilang din sa mga kinasuhan ang kapitan ng barko na nakaligtas sa trahedya.
Ayon kay Arroyo, nabigo ang mga sangkot na sundin ang kinakailangang pag-iingat, pag-iwas sa panganib at pagbabantay sa barko, mga pasahero at mapanganib na kargamento.
Pananagutin din ang apat na tauhan ng PCG dahil sa kapabayaan sa pagtiyak na sumusunod sa maritime standards ang barko bago ito pinayagang bumiyahe.
Batay sa pinal na ulat ng imbestigasyon ng BFP na may petsang Oktubre 16, kapabayaan sa paghawak at pag-iimbak ng mga mapanganib na kargamento ang naging sanhi ng sunog na ikinamatay ng 77 katao at ikinasugat ng mahigit 40 iba pa.
Nagsimula ang sunog sa hulihang bahagi ng cargo deck nang magkaroon ng chemical reaction sa pagitan ng mga pabagu-bagong kemikal.
Natuklasan ng mga imbestigador na hindi wastong itinabi ang calcium hypochlorite, isang malakas na oxidizing agent na ginagamit sa mga produktong chlorine, sa tabi ng mga bloke ng aspalto na gawa sa petroleum at madaling magliyab.
Nasa hulihang bahagi rin ng cargo deck ang mga mapanganib na kargamento, sa mismong harap ng labasan ng mainit na hangin mula sa exhaust outlet ng barko.
Ipinaliwanag ni Arroyo na nag-trigger ang matinding init mula sa exhaust outlet sa natapong calcium hypochlorite, na mabilis na nagpasiklab sa katabing aspalto at cooking oil. Dahil dito, kumalat ang apoy at naging hindi na makontrol sa loob lamang ng 15 minuto. Nasunog ang barko 6:45 ng gabi ng Setyembre 9, 2026 habang bumibiyahe mula Delpan, Maynila patungong Coron, Palawan. Wala pang isang oras ang layo ng barko sa Coron Port nang mangyari ang insidente.