Advertisers
PINANGUNAHAN nitong Miyerkules ng progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagsampa ng ikalawang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte para panagutin ito sa umano’y maling paggastos sa confidential funds ng kanyang tanggapan.
Ang impeachment case ay isinulong ng mahigit 70 complainants na binubuo ng youth leaders, teachers, government employees, health workers, at multi-sectoral groups na komokondina kay Duterte ng “betrayal of public trust” — na binigyang-diin nila bilang pangunahing “ground” para mapatalsik ang bise presidente, kasama ang tatlong isyu tungkol sa maling paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni dating congressman Atty. Neri Colmenares, Bayan Muna Chairperson at isa sa complainants, na ito ang “fastest way to resolve a case”.
“Pwede naman kaming magdagdag ng marami pa, pero the betrayal of public trust, it encompasses everything, because maytoong tiwala ang publiko sa iyo. Tinaksilan mo ‘yun, and that is for us, one of the highest, if not the highest treachery ng isang public official,” diin ni Colmenares.
Kasama ni Colmenares sa mga nag-file ng kaso sina Saturnino Ocampo, Liza Maza, Teodoro Casiño, Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat, Antonio Tinio, Sarah Elago, Emerenciana De Jesus at marami pa.
Sinabi nilang nagtaksil si Duterte sa tiwala sa kanya ng publiko nang gumawa ito ng “gross abuse of discretionary powers” sa P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education mula December 2022 hanggang third quarter ng 2023.
Sa halagang ito, ang P125 million ay ginastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong 2022. Ang P73 million mula sa halagang ito ay hindi pinayagan ng Commission on Audit (CoA) dahil sa hindi pagsumite ng mga dokumento bilang ebidensiya kung nangyari nga ang gathering o surveillance activities, nabigo na kilalanin ang mga binili na items para sa confidential operations, at paggamit ng confidential funds sa kung anong rason na hindi pinapayagan sa ilalim ng guidelines.
“Although confidential funds are subject to the Respondent’s discretion, she had no discretion to use them in violation of the law and rules. She therefore grossly abused her power over the confidential funds,” saad sa complaint na inindorso ng tatlong kongresista mula sa Makabayan Bloc.
Sinabi rin ng complainants na si Duterte “made a mockery” sa audit process at “grossly disregarded transparency and accountability” nang pagsabihan niya ang kanyang mga tagasunod na ihanda at isumite sa COA ang accomplishment reports na suportado umano ng “fabricated” liquidation reports at “falsified” documents para bigyang-katuwiran ang confidential expenses.
Binanggit nila ang pagsumite ng acknowledgment receipts, na anila’y naglalaman ng “irregularities that suggest systemic fabrication”. Kabilang sa mga resibong ito ang pinirmahan ng isang “Mary Grace Piattos”, na natuklasang walang rekord ng kapanganakan, kasal o kamatayan ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Marami pang resibo ang hindi mababasa, walang pirma, kulang ng mga importanteng detalye, mali ang mga petsa, at pare-pareho ang sulat-kamay, saad sa complaint.
“The submission of obviously false documentation to COA demonstrates not just an attempt to deceive, but a brazen contempt for the constitutional audit process itself,” sabi sa complaint.
“By affixing her signature to the acknowledgment reports submitted to COA, she directly assumed responsibility for their contents, as required by the Joint Circular. This makes her fully accountable for the fabricated data and any irregularities therein,” dagdag nito.
“…confidential funds, by their very nature, are subject to limited audit procedures relying heavily on the integrity of the officials entrusted with their use. By abusing this trust to fabricate documentation and mislead auditors, Respondent has demonstrated her unfitness to handle such funds or to continue serving in her high office,” sabi sa complaint.
Ang isa pang kasalanan ni Duterte, na sabi ng complainants ay bumubuo ng betrayal of public trust, ay ang pagpapabaya ng bise presidente sa kanyang opisyal na trabaho, ang hindi pagkilala sa congressional oversight sa panahon ng budget deliberations, at kanyang otoridad para magsagawa ng pagtatanong in aid of legislation.
Sinabi nilang hinarang ni Duterte ang maraming isyu na tinatalakay ng House Committee on Appropriations noong August 27 budget hearing kungsaan ito’y hindi niya sinagot, kanilang ang kanyang statement na “I would like to forgo the opportunity to defend the budget in a question-and-answer format. I will leave it up to the House to decide on the budget submitted”.
Binanggit din sa complaint na tinakasan ng Vice President ang second House committee hearing at ang House plenary deliberations sa proposed budget ng kanyang tanggapan sa 2025.
Sinabi pa sa complaint na tumanggi si Duterte na makipagtulungan sa House committee investigation sa kanyang confidential expenses, at ang kanyang Chief of Staff ay sumulat sa COA na panatilihin ang confidential sa audit report sa OVP at confidential funds ng DepEd, na subject ng House panel subpoena.
“This attempt to block congressional access to audit documents reveals Respondent’s calculated strategy to evade accountability,” diin sa complaint.
“Nang ang paglulustay at pagtatakip niya ay nabunyag, hindi niya kinilala ang kapangyarihan ng Kongreso na ito ay imbestigahan. In fact, gumawa siya ng paraan para pigilan ang Kongreso sa trabaho nitong oversight, tingnan ang mga maling gawa ng kanyang mga opisina. Siya ay nag-asal pusit at hindi ‘yan katanggap-tanggap,” sabi ni Casiño.
“Ang mga ginawang ito ni Vice President Sara Duterte ay pagtataksil sa tiwalang ibinigay sa kanya ng taumbayan. This is a betrayal of public trust. At dahil dito, karapat dapat lamang na siya ay matanggal sa pwesto at huwag nang payagan na humawak ng anumang pwesto sa gobyerno,” diin niya.
“Kami ay naniniwala, tumitindig na it is time to impeach the wicked witch of the south,” sabi naman ni Kabataan Party List National Spokesperson Atty. Renee Co.