Advertisers
SAMA-SAMANG nagmartsa ang mga guro sa Baguio City noong Linggo upang ipanawagan sa mga mambabatas na simulan na ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang pagmartsa ng mga guro ay patikim sa nationwide rally para ipanawagan ang pagpapatalsik sa puwesto kay VP Sara, ayon kay Vladimer Quetua, national chairman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Si VP Sara ay nagsilbing kalihim ng Department of Education (DepEd) simula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 19, 2024, at ang paggastos niya sa mahigit P100-million confidential funds ng kagawaran—bukod pa sa P500-million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP)—ay kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA) at inimbestigahan ng Kamara.
Kasama sa rally sa Igorot Park sina outgoing ACT Party list Rep. France Castro at dating representative Antonio Tinio.
Pangunahing ipinaglalaban ng mga guro ang pagpapanagot kay VP Sara sa paggastos sa kabuuang P612.5-million confidential funds, na nakumpirma sa paglalahad ng matataas na opisyal ng DepEd sa isinagawang imbestigasyon ng House Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon.
“She spent it in 11 days,” sabi ni Tinio, tinukoy ang P125 milyon sa confidential funds ni VP Sara na ginastos sa loob lang ng 11 araw noong 2022.
Mayroon nang tatlong impeachment complaint na nakahain sa Kamara noong Disyembre 2024, pero hindi parin ito gumagalaw hanggang ngayon.