Advertisers
INABISUHAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko na unahin ang kanilang kaligtasan lalong lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Target umano ng ahensya na walang maitalang firecracker-related injury sa bansa sa nalalapit na pagpasok ng Bagong Taon.
Ayon kay DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya, sa ngayon ay wala pang nauulat na may nasugatan dahil sa mga paputok.
Tradisyon na aniya ng pamilyang Pilipino na sabayan ng paputok ang pagdiriwang ng New Year habang nag-eenjoy sa media noche. Subalit, dahil sa epekto ng pandemic na nagbunsod sa “new normal” ay mas dapat umano na gawing layunin ng bawat pamilya ang kanilang kaligtasan.
Malaki raw ang regalo at ambag na ito para makaiwas sa peligro at maging mapayapa ang pagsalubong ng bagong taon.
Positibo naman ang opisyal na kayang gawin ang zero-casualty dahil bahagya na ring bumababa ang naitatalang firecracker-related incidents ng mga nagdaang taon.