Advertisers
INAMIN ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na siya ang huling pasahero ng babaeng pilotong nasawi matapos bumagsak ang kinalululang helicopter sa isang bayan sa Guimba, Nueva Ecija noong Sabado ng hapon.
Ang nabanggit na lady pilot ay piloto umano ni television host-senato-rial aspirant Willie Revillame.
Sa isang ambush interview, isinalaysay ni Dela Rosa ang mga pangyayari bago ang nasabing trahedya.
Aniya, nag-boluntaryo umano ang lady pilot na ilipad siya at kaniyang dalawang security personnel sa Baguio City para sa isang engagement.
Nabatid na ang ama umano ng lady pilot na si Julia Flori Po ay sinasabing malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ibinahagi ng senador na naging “smooth” naman aniya ang naging biyahe nila at wala naman siyang naramdamang “unusual.”
“Very smooth naman ang flight namin going towards Baguio. Napaka-smooth at masaya kami sa flight. Wala kaming naramdamang anything unusual,” kuwento ng senador.
Nang matanong naman kung maituturing na niyang “blessing in disguise” na hindi na siya nagpahatid mula Baguio patungong Pangasinan, “oo” naman ang naging tugon ng senador.
“Kasi kung nagpahintay pa ako matapos ang engagement ko sa Baguio para bumaba [at] sumakay ulit, magpahatid sa Binmaley, ayaw ko masacrifice ‘yong oras dahil magsara agad ‘yong clouds diyan sa Baguio. Kaya sabi ko i-drop na lang ako. Pag-drop uwi na agad siya,” paliwanag ng senador.
Nakatanggap na lamang aniya siya ng mga text na hindi na ma-contact ang lady pilot.
Sa Facebook page naman ng PDP-Laban, makikita ang pagdalaw niya, ni Sen. Bong Go, at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa lamay ng lady pilot, Linggo ng gabi. (Mylene Alfonso)