Advertisers
UMAAPELA ngayon sa mga lokal na pamahalaan ang Department of Health (DOH) na makipagtulungan sila sa national government kaugnay sa vaccination program na kanilang isasagawa kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y kasunod na rin ng anunsyo ng ilang lokal na pamahalaan na naglaan na ng pondo para bumili ng mga bakuna laban sa COVID-19 para sa kani-kanilang mga residente.
Sa kanyang virtual press briefing, ipinaliwanag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, na sa ilalim ng emergency use authorization (EUA) na ibibigay ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga manufacturer ng bakuna, ang maaari pa lamang na bumili ng mga ito ay ang national government.
Dagdag pa niya, nagiging available lamang ang isang produkto, gaya ng bakuna, kung may certificate of product registration (CPR) na ito.
Gayunman, sa ngayon aniya ay hindi pa mabibigyan ng CPR ang mga bakuna dahil hindi pa tapos ang clinical trials dito.
May exemptions lamang aniya sa ngayon ang pagbili ng bakuna ng national government dahil na rin sa public health emergency na dulot ng pandemya ng COVID-19.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na ang mga LGU ay mas mainam na makipagtulungan sa pamahalaan upang magkaroon ng mas maayos na pagbili at epektibong distribusyon ng mga bakuna.
Layunin rin nitong magkaroon ng “unified effort” at hindi magkaroon ng teknikalidad sa pagkuha ng mga bakuna, at para makapag-monitor din ang DOH.
Dapat ding tandaan, ani Vergeire, na ang national immunization program ay nasa mandato ng DOH.
Tiniyak naman ni Vergeire sa mga lokal na pamahalaan na kasama sila sa priority list na itinakda ng gobyerno para sa pagbabakuna. (Andi Garcia)