Advertisers

Advertisers

Empleyado ng Kongreso, itinumba sa b-day ng anak

0 18

Advertisers

Patay ang isang empleyado sa Kongreso nang pagbabarilin ng ‘riding in tandem’ habang ipinagdiriwang ang kaarawan ng kaniyang anak na babae sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Linggo ng hapon.

Sa ulat ni P/ Lt. Col. Romil Avenido, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station 6, nagawa pang maisugod ng kaanak sa FEU-NRMF Hospital ang 63-anyos na biktima subali’t idineklara itong dead on arrival.

“Ito pong ating biktima ay empleyado ng Kamara. Ngayon po ay inaalam pa namin ang motibo nitong krimen ng pamamaslang. Agad naman tayong nakaresponde at naisugod pa natin itong biktima sa ospital pero dead on arrival na ito,” ayon kay Avenido.



Sa imbestigasyon, 2:30 ng hapon nitong Linggo (Hunyo 15), nang mangyari ang krimen.

Abala ang lahat, kabilang ang biktima sa kaarawan ng anak nang pumasok sa pinagdadaraosan ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril ang biktima bago tumakas sakay din ng motorsiklo.



Sa pagtakas ng mga salarin, pinaputukan din nila ang security guard ng subdivision upang hindi sila harangan at makalabas ng subdibisyon.

Sinusuri na ng PS 6 ang mga kuha sa CCTV sa lugar upang matukoy ang mga salarin.



“Well-planned ang krimen na ito. Talagang pinag-aralan nila nang maigi itong lugar kaya gumamit sila ng pekeng ID and iniwan po nila ito nung umeskapo na sila. Agad-agad po nating na-identify, na-locate, at na-put under police custody itong may-ari ng ID na naiwan doon sa guard house, only to find out na matagal na pa lang nawala ‘yung ID niya which is two years ago,” pahayag ni Avenido.

Sinabi rin niya na mayroon na silang person of interest at ang alitan sa negosyo ang tinitingnan nila motibo dahil ang biktima nasa negosyo ng medical supply.

“Mayroon po tayong possible na na-identify na persons of interest, but right now ongoing pa po ang ating backtracking at imbestigasyon,” ani Avenido.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang pamunuan ng QCPD sa pamilya ng biktima at tinitiyak nila na mabibigyan ng hustisya ang mga ito.

 

“We extend our deepest condolences to the victim’s family and assure the public that justice will be served,” ayon kay P/Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/Officer-in-Charge ng QCPD

Iniutos na in ni Silvio ang pagbuo ng Special Investigation Team (SIT) para tutukan ang pagtukoy at pagdakip sa mga suspek.

“Anyone with relevant information is urged to report to the nearest police station or contact the PNP Hotline 911, QC Helpline 122, or +63 917 840 3925,” dagdag pa ng QCPD chief. (Almar Danguilan)