Advertisers
Sa utos ni Transportation Secretary Vince Dizon, sinibak na sa pwesto ang dalawang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 sa Cagayan Valley, nang makuha sa isang viral video na nananakit ng dalawang indibidwal sa isang pagtitipon.
Kabilang sa sinibak si Assistant Regional Director Manuel Baricaua at si Chief Enforcer Charles Ursulum.
Ayon kay Secretary Dizon, nagpadala na rin ito ng liham sa Office of the President para sa permanenteng pagtanggal sa serbisyo ng dalawang opisyal.
Inatasan na rin ang LTO na makipag-ugnayan sa mga biktima, para magbigay ng tulong sa pagsampa ng kaso laban sa dalawang opisyal.
Giit ng kalihim, kahit hindi kaugnay ng trabaho ang nangyari hindi pa rin ito katanggap-tanggap na asal para sa isang lingkod-bayan.
Nagpasalamat naman si Secretary Dizon sa netizen na nag-upload ng video, at hinikayat ang publiko na huwag matakot na magsumbong kung may nakikita silang abuso ng mga opisyal ng Department of Transportation.