Advertisers
Bunsod ng kaliwa’t kanang reklamo ng mga Manilenyo partikular na sa ilang parte ng Tondo sa Lungsod ng Maynila laban sa mga naghahakot ng basura, malaki ang posibilidad na maagang tapusin ang kontrata ng dalawang kompanyang humahakot ng basura na magtatagal pa sana hanggang sa katapusan ng taon.
Nabatid na bukod sa area ng Tondo kung saan nasasakupan ito ng una at ikalawang distrito ng lungsod, malaki din ang problema sa ginagawang paghahakot ng basura sa ikatlong distrito dahil wala umano ito sa tamang oras kung saan naiipon ang mga basura, hindi lamang sa mga pangunahing lansangan, kundi maging sa secondary roads, dalawang linggo bago maupo si incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Matatandaang una ng nagbanta si Yorme Isko sa dalawang kompanya, ang Phil. Ecology Systems Corp. (PhilEco) at MetroWaste Solid Waste Management Corp. na sa oras na hindi naging maayos ang koleksyon ng basura sa lungsod ay mapipilitan siyang i-terminate nang maaga ang kanilang kontrata.
Nabatid pa kay Yorme Isko na sa halip na gumamit ng mga trash compactors ang mga kompanya, dump truck na panghakot ng buhangin ang kanilang ginagamit na dahilan upang mabigong pasukin ang mga maliliit na lansangan sa Maynila.
“Napakalilit ng kalsada dito sa Maynila, papaano nila mapapasok ang mga iyon kung dump truck ang gamit nila?” pahayag pa ni Yorme Isko.
Aniya, iilan lamang ang ginagamit na maliit na trash compactor ng mga kompanya kaya’t napipilitan ang mga residente sa looban na ilabas sa pangunahing lansangan ang kanilang basura na wala namang regular na oras kung maghakot.
Sa ngayon ay ito ang napakalaking problema ng ilang residente sa Zone 22 at 23 District 2 sa Maynila dahil walang maliit na trash compactor ang pumapasok sa kanilang maliit na lugar, di tulad ng dating contractor ng basura na nakakapaghakot at nakakapasok sa kanilang lugar dahil may mga panghakot sila na trak na maliliit.
Sa Hunyo 30 ng tanghali magsisimulang manungkulan si Yorme Isko bilang alkalde at isa sa kanyang pangunahing gagawin ang paglilinis ng mga lansangan at pagbabalik ng kaayusan at katahimikan sa buong Lungsod ng Maynila.