Advertisers
Nagsumite si Quezon City 4th Dist. Congressman Bong Suntay ng limang mahahalagang panukalang batas para matulungan ang mga pamilyang Pilipino at gawing mas epektibo ang mga programa ng Pamahalaan.
Ang mga panukala ay layong, tumulong sa mga batang may special needs hindi lang autism kundi pati ADHD, dyslexia, at iba pang kondisyon; kasama ang mas maraming training para sa guro at mas inklusibong silid-aralan.
Bawasan ang nasasayang na pagkain sa pamamagitan ng pambansang target na bawasan ang food waste ng kalahati bago mag-2030, may malinaw na plano para sa negosyo, ligtas na donasyon, at tamang paghawak ng pagkain.
Gawing makabago ang pampublikong paaralan, may mga programa para paunlarin ang pagbabasa at pag-iisip ng mga bata, pati pag-upgrade ng library, science lab, at teknolohiya.
Ayusin ang pagbibigay ng ayuda sa krisis (AICS) mas mahigpit na patakaran para hindi maabuso, siguradong direkta sa nangangailangan mapupunta ang pondo, at may kasamang training o community work para sa kayang magtrabaho.
• Siguruhing makakatulong talaga ang CSR ng mga kumpanya, malinaw na patakaran sa paggamit ng pondo para sa CSR at parusa sa maling paggamit.
“Makakatulong ang mga batas na ito sa mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng mas maayos na serbisyo at tulong mula gobyerno at pribadong sektor,” sabi ni Cong. Suntay. “Mas magiging makatao at patas ang lipunan natin.”
Nanawagan si Cong. Suntay sa kapwa mambabatas na suportahan ang mga panukalang ito para sa mas maunlad at maaasahang Pilipinas. (Cesar Barquilla)