Advertisers
ISANG barangay official sa Taguig City ang kakasuhan umano ng Acts of Lasciviousness matapos na makita ng Office of the Cebu City Prosecutor ang sapat na ebidensya upang dalhin ang reklamo sa korte.
Ang reklamong inihain ng kapwa barangay official laban kay Kagawad Apolonio Kibral Fulo Jr. ng Barangay Pinagsama ay kaugnay ng isang insidenteng nangyari sa isang official training sa Cebu City noong Abril 2024.
Ayon sa report, ang mga masusing pag-aaral ng mga pahayag, sinumpaang salaysay at dokumento na galing sa biktima ang nagtulak upang irekomenda ng mga prosecutor ang pormal na pagsasampa ng kaso kay Fulo.
Sa Joint Resolution na lumabas nitong Mayo 27, 2025, inirekomenda ang pagsasampa ng kaso sa Metropolitan Trial Court.
Kasalukuyang suspendido si Fulo ng anim na buwan matapos mapatunayang administratively liable sa kasong grave misconduct, immoral acts, at conduct prejudicial to the best interest of the service. Nauna na rin siyang isinailalim sa preventive suspension para hindi maapektuhan ang imbestigasyon.
Sakaling mapatunayang nagkasala, si Fulo ay maaaring makulong, tuluyang matanggal sa posisyon at madiskwalipika sa panunungkulan sa gobyerno. (JOJO SADIWA)