Advertisers

Advertisers

MALAYO SA TAGA-‘NEPAL’ ANG MGA KABATAANG NANGGULO SA MAYNILA

0 1,619

Advertisers

Nawalan ng saysay ang isinagawang dapat sana ay maayos, makabuluhan at payapang rally laban sa korapsyon sa Maynila, nang gamitin ang okasyon ng mga kabataang gangster na binayaran diumano para manggulo at lumikha ng karahasan.

Malinaw na iba ang lakad nila. Hindi para batikusin ang korapsyon sa flood control projects na siyang tunay na layunin ng itinakdang pagkilos. Ang sigaw ng mga ligaw na kabataan na nanggulo ay “ibagsak si BBM” at “sunugin ang Malakanyang.”

Pawang nakasuot ng takip sa mukha ang mga ito at armado ng mga bato, bote, molotov at maging mga binalot na dumi ng tao na kanilang ipinukol sa direksyon ng mga pulis. Nadamay ang DZBB reporter na si Manny Vargas na tinamaan ng bato sa mukha.

Nakita rin sa di mabilang na naglabasang videos kung paano nila isinagawa ang ilang mararahas na pag-atake sa mga pulis.

Higit sa lahat, ang ginawa nila sa mga sasakyan at establisimiyento sa Recto, lalo na sa Sogo Hotel. Pinasok nila, sinira ang mga gamit at pinagnakawan pa.

Nakakaawa ang mga nasugatang pulis na mahigit 100 na nagpakita ng kapuri-puring pasensiya at sobra pa sa maximum tolerance.

Mapapaisip ka kung sino ang nagpakawala sa kanila, lalupa’t ang mga nagtatanggol sa kanila ngayon ay mga maka-kaliwang grupo.

May gana pa silang batikusin ang mga pulis at pagbintangan ng paglabag sa karapatang pantao. Eh paano naman ang mga karapatang pantao na nilabag ng mga nanggulo? Tao rin naman ang mga kapulisan na may karapatan at tinatablan ng mga bato at bote.

Naroon sila para magmantina lang ng kaayusan pero inatake at sinaktan ng mga salbaheng kabataan. Mga unipormadong pulis ang inatake ng mga ito at sa ginawa nila, ipinakita nila na wala na silang kinikilalang awtoridad o batas.

Mga goons sila na pinakawalan at binayaran pa, gaya ng ipinagyayabang nila sa social media habang tinatanggap ang mga ibinayad sa kanila.

Gusto nilang gayahin ang nangyari sa Nepal na protesta ng mga kabataan kung saan sinunog din nila ang building ng pamunuan.

Eh sa Nepal, mismong mga taga-gobyerno ang sinasabing sangkot sa mga korapsyon na binabatikos ng mga kabataan. Kaya ang ipinaglalaban ng mga kabataan doon, nasa ayos at nasa tama, bagama’t sumobra din nang may namatay sa ginawa nilang panununog.

Dito sa atin, mismong gobyerno ang nagbulgar ng katiwalian ng ilang government contractors at mga pulitiko.

Hindi lang basta gobyerno kundi si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. mismo ang gumawa ng pagbubunyag. Tapos ang sigaw ng mga goons sa Maynila, ‘BBM resign’?

Ibig ba nilang sabihin, mas okay pala sa kanila na tuloy na lang ang ligaya ng korapsyon sa flood control projects? Di ba mga ogag???

Ang dapat sa mga ‘yan kasuhan at hayaang makulong. Hindi na gawaing bata ang ginawa ng mga ‘yan.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.