Advertisers
NAHIHIBANG na itong si Mike Defensor, ang dating congressman na humawak ng maraming makakatas na posisyon sa gabinete noong pangulo si Gloria Macapagal-Arroyo.
Mantakin mong ianunsyo niyang mayroong gagawing pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee (SBRC) ngayong Martes, June 16, pero hindi sa Senado gagawin, baka sa Apari. Hehehe… Pupunta raw ang 18 Maleta boys, at may dagdag pang 14 na mga dati rin daw sundalo na taga-deliver ng kickback money mula sa mga “ghost projects” ng puganteng ex-Congressman Zaldy Co.
Nanawagan si Defensor na suportahan ang Cayetano Bloc, kungsaan si Sen. Rodante Marcoleta ang tumatayong imbestigador bilang sub committee chairman ng SBRC.
Spokesman na pala si Defensor ng SBRC nina Cayetano at Marcoleta sa mga gawa-gawang isyu. Hehehe…
Tingin ko, mga pare’t mare, ang ginagawang ito ni Defensor ay pang-gulo sa mga imbestigasyon sa multi-billion flood control anomaly at sa nakatakdang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, at sa nalalapit na pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity ni ex-President Rody Duterte sa Netherlands.
Oo! Gumagawa ng mga isyu ang DDS, sa pamumuno nitong si Defensor, para mailihis ang atensyon ng madla sa mga matitinding usapin laban sa mag-amang Duterte sa pamamagitan ng mga bayaran nilang DDS vloggers.
Kung buhay pa siguro si Juan Ponce Enrile, malamang ay mamura n’ya na naman itong si Defensor. Hehehe…
Naalala n’yo ba nang sitahin at palabasin ni Enrile si Defensor sa isang okasyon? Namutla siya dun eh. Hehehe…
Marahil kaya ginagawa ito ni Defensor para kung sakaling maging Pangulo si Sara Duterte ay maging miembro uli siya ng gabinete, o kaya’y mapasama siya sa senatorial lineup sa 2028. Mismo!
***
Nagpatawag na ng special session ng Kongreso si Pangulong “Bongbong” Marcos.
Ito’y para matalakay na ang mga kailangang gawin, na hindi nagawa dahil sa agawan sa liderato ng Senado nitong nagdaang mga linggo at buwan.
Sa aksyon na ito ni PBBM, makikita natin kung sino ang kikilalanin niyang Senate President, si Alan Cayetano o si Win Gatchalian?, at kung sino-sino ang mga senador na tatayo sa majority block.
Sa ngayon kasi, si Gatchalian ang pumipirma sa mga kailangang pirmahan ng Senate President. Pero iligal daw ito sabi ni Cayetano na sa FB nalang nagsasalita. Hehehe…
Kung maalala, naagaw ng grupo ni Cayetano ang liderato ng Senado kay Tito Sotto sa botong 13-11 noong Mayo 11. Dahil ito sa biglang pagsulpot ng puganteng si Senador Bato Dela Rosa na nagtatago na naman ngayon.
Pero after few weeks, bumaligtad ang ilang senador, nahalal si Gatchalian sa botong 12-11. Wala na kasi si Bato, at nakakulong naman si Jinggoy Estrada.
Kinukwestyon ng kampo ni Cayetano ang numero ng pagkaluklok ni Gatchalian. Dapat daw 13 boto para maging Senate President. Pero may ganitong kaso na pala na napagdesisyonan ang Korte Suprema, na legal ang pagkaluklok kay Gatchalian.
Sa tingin ko naman ay alam ito ni Cayetano. Pinipilit lang niya ang kanya. Matakaw kasi ito sa kapangyarihan. Mismo!