Advertisers

Advertisers

PAGDIRIWANG NG CLIMATE CHANGE CONSCIOUSNESS WEEK AT PARANGAL PARA SA MAGSASAKANG REPORTER

0 22

Advertisers

Hindi sapat na pag-usapan lamang natin ang climate change o pagbabago ng klima.

Mas mahalaga ang mga konkretong hakbang na ginagawa natin araw-araw upang mapangalagaan ang kalikasan at mabawasan ang masamang epekto nito sa ating buhay.

Kaya mahalaga ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na makiisa sa pagdiriwang ng 2026 Global Warming and Climate Change Consciousness Week mula Nobyembre 19 hanggang 25 ngayong taon.



Sa temang “Komunidad, Kooperasyon at Koordinasyon para sa Klima,” ipinapaalala sa atin na hindi kayang solusyunan ng iisang ahensya o grupo lamang ang problemang ito.

Ramdam na ng maraming Pilipino ang matinding init, pabago-bagong panahon, pagbaha at pinsala sa mga pananim.



Kapag naapektuhan ang agrikultura, tumataas ang panganib sa suplay ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka. Kapag bumaha naman, maraming pamilya ang nawawalan ng tahanan at pinagkukunan ng kita.

Sa totoo lang, hindi dapat sa panahon lamang ng sakuna kumikilos ang pamahalaan. Kailangan ang tuloy-tuloy na paghahanda, maayos na pangangalaga sa mga kagubatan at katubigan, wastong pagtatapon ng basura, at pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan.



May papel din ang bawat mamamayan. Hindi man natin kayang pigilan nang mag-isa ang pagbabago ng klima, makatutulong ang pagtitipid sa tubig at kuryente, pagtatanim ng puno, pag-iwas sa pagsusunog ng basura at pagpapanatili ng kalinisan sa ating paligid.

Mahalaga rin na makiisa sa national government ang mga lokal na pamahalaan, paaralan, negosyo at pribadong sektor.

Aba’y mas magiging epektibo ang mga programa kung hindi lamang ito pang-isang linggong pagdiriwang, kundi bahagi ng pang-araw-araw na gawain ng bawat komunidad.

Samantala, sa panahong patuloy na tumataas ang gastusin sa pagkain, mahalagang matutunan ng bawat pamilya na may mga paraan upang makatipid at makatulong sa sariling pangangailangan.

Isa na rito ang pagtatanim ng gulay at iba pang halamang maaaring mapakinabangan sa tahanan.

Kaya magandang balita ang pagkilala ng National Council for Children’s Television (NCCT) sa programang “Masaganang Buhay” ng beteranong reporter na si Mer Layson bilang isang “Child-Friendly Television Program.”

Sa pangunguna ni Layson, na matagal nang nagsusulong ng organic farming at sustainable living, naipakikita ng programa na hindi kailangang malawak ang lupain upang makapagtanim.

Maaari itong gawin sa paso, timba, sako at maging sa mga lalagyang maaari pang mapakinabangan sa halip na itapon. Hindi rin dapat isipin na para lamang ito sa mga nakatira sa probinsya o may malalawak na bakuran. Kahit kasi sa maliliit na espasyo sa mga tahanan sa lungsod, posibleng magsimula sa ilang paso ng pechay, kamatis o iba pang halamang angkop sa lugar.

Kaya sa gitna ng hamon sa presyo at suplay ng pagkain, magandang paalala ang mensahe ng Magsasakang Reporter: “Food Security Starts at Home.”

Hindi nito ibig sabihin na kaya nang sagutin ng bawat pamilya ang lahat ng pangangailangan sa pagkain sa pamamagitan lamang ng pagtatanim.

Subalit isa itong praktikal na hakbang upang makatipid, matuto at magkaroon ng dagdag na mapagkukunan ng sariwang pagkain.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.