Advertisers

Advertisers

METHANOL SA PALENGKE NG SAN JOSE, BATANGAS!

0 34

Advertisers

PELIGROSO sa buhay ng mga inosente at tahimik na mamamayan; banta sa mga ari arian at mapangwasak sa kalikasan ang bodega na ginagamit na imbakan ng delikadong Methanol sa Brgy. Natunuan sa bayan ni San Jose, Batangas Mayor Reggie Arada-Virtucio.

PNP Chief Gen. Jose Nartatez Jr., San Jose, Batangas Mayor Reggie Arada-Virtucio at PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co

Ang mga apektadong residente ay nananawagan kina PNP Chief Gen. Jose Nartatez Jr. at PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co na aksyunan ang nagbabantang panganib na ito sa naturang munisipalidad.



Ginagamit din ang naturang bodega na kuta ng buriki/paihi kung saan ang Methanol ay gamit na pangbanto sa mga pinapaihing mga petroleum product.

Ang Methyl Alcohol ay colorless, odorless at mapanganib na kemikal na anumang oras ay maaaring lumikha ng nakagigimbal na pagsabog at sanhi ng sunog.



Ang Methanol ay ginagamit din sa pag-eembalsamo ng mga bangkay at kinukunsiderang mabagsik at nakalalasong kemikal. Ang lubhang pagkalantad sa Methanol ay kalimitang humahantong sa pagkakaroon ng Metabolic Acidosis.

Hindi lamang sa Brgy. Natunuan, San Jose kundi maging sa mga kalapit nitong barangay sa Batangas City ang madadamay sa kapahamakan sa sandaling magkaroon ng sakuna.



Yari sa mga magagaan na materyales at nababakuran lamang ng yero ang naturang bodega na kalapit ng Natunuan Meat Market sa San Jose na kinaroroonan din ng katayan ng baboy, baka, kambing at iba pang meat product.

Ayon naman sa mga apektadong negosyante, dakong madaling araw pa lamang hanggang tanghali ay dagsa doon ang mamimili dahil sa mura at sariwang mga livestock meat product na binebenta sa mga meat stall.

Ngunit dahil sa nakakasulasok at di matiis na mabahong amoy mula sa tinatayang may 200 metro lamang na layo na bodega ng Methanol ay unti-unting naging matumal ang bentahan doon ng mga karne.

Isang team ng mga operatiba ng Batangas PNP Provincial Police ang inatasan na ni Acting PNP Region 4A Dir. PBGen. Dominic Baccay upang arestuhin ang operator at mga empleyado ng naturang bodega, ngunit “tila bahag ang buntot” ng mga ito matapos malaman na ang nagpapatakbo ng imbakan ng naturang mga kemikal ay isang makapangyarihang pulitiko sa lalawigan ni Batangas Gov. Vilma Santos- Recto.

Kabilang din sa reklamo ng mga apektadong mamamayan ay ang kawalan ng naturang bodega ng permit ng Department of Energy (DOE), Mayor’s Permit at Bureau of Fire Protection permit; mahina ang mga materyales at ang kayarian ng istruktura; paglabag sa Petroleum Industry Installations at iba pang aktibidad na sumasalungat sa Sec. 54, RA 6975.

Nilalabag din ng operator nito ang zoning ordinance. Ang sinumang opisyales o empleyado ng pamahalaan na magbibigay ng permiso ng walang public hearing ay labag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act, ayon pa sa mga nagrereklamong mga residente. May karugtong…

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144