Advertisers

Advertisers

Ligtas na Undas 2026 sa QC, tiniyak ng QCPD…

0 22

Advertisers

Sa mga Pinoy, napakahalaga ang paggunita ng Undas – Araw ng mga Santo at Kaluluwa. Isang mahalagang tradisyon upang alalahanin ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay. kasabay nito, inaasahan ang pagdagsa ng milyong mamamayan sa mga sementeryo, kolumbaryo, at terminal ng bus. Siyempre, nandiyan iyong malaking banta sa seguridad at kaayusan.

Pero sa milyong QCittizen, huwag mabahala dahil maagap at maagang kumilos at naghigpit ng seguridad ang Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Director PBGEN Christopher Olazo. Hindi lang basta pagpapalabas ng paalala ang kanilang ginawa—mula sa koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, inspeksyon sa mga transport hub, hanggang sa pagsasagawa ng simulation exercise para sa posibleng bomb threat sa bus terminal. Ang mga hakbangin ay patunay na seryoso ang pulisya sa pagtiyak ng ating kaligtasan.

Para tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa buong lungsod, ayon kay Gen. Olazo, na higit sa 4,000 tauhan ng pulisya kabilang ang suporta ng mga force multipliers, DPOS, at mga barangay tanod, ang itatalaga sa iba’t ibang estratehikong lugar sa Quezon City ngayong UNDAS 2026, Nobyembre 1 at 2.



Ayon kay Gen. Olazo, nakatutok ang malaking puwersang ito sa mga pangunahing sementeryo tulad ng Bagbag Public Cemetery at Novaliches Public Cemetery, maging sa 17 kolumbaryo kabilang ang Baesa Columbary. Nakakalat din ang mga pulis, K-9 units, at mobile patrols sa mga terminal ng bus, istasyon ng LRT at MRT, pati na sa mga mall, palengke, at simbahan. Magtatayo rin ng mga Police Assistance Desks (PADs) sa mga sementeryo upang agad na makatugon sa anumang pangangailangan ng publiko.

Bagamat, masasabing malaking puwersa ang 4,000 pulis para sa pagbibigay ng seguridad, kailangan pa rin ang pakikipagtulungan ng publiko – tumulong o gawin ang bahagi bilang isang responsableng mamamayan.



Batid naman natin na ginagawa ng QCPD ang lahat, pero mababalewala ito kung magpapasaway ang ilan sa atin. Malinaw ang paalala ng mga awtoridad; bawal ang pagpapasok ng mga matutulis na bagay at sandata, alak, sigarilyo o vape, gamit sa sugal, mga bagay na madaling mag-apoy, at malalakas na sound system. Ang mga alituntuning ito ay hindi ginawa upang perhuwisyuhin ang ating pag-alala, kundi upang maiwasan ang anumang kaguluhan o sakuna.

Maganda rin ang inisyatibo ng QCPD na magpatrolya sa mga komunidad habang malayo ang mga residente upang mapangalagaan ang mga naiwang tahanan laban sa mga magnanakaw na nag-aabang ng pagkakataon.



Alalahanin sana natin lahat na ang “Ligtas at Mapayapang UNDAS 2026” ay hindi lamang responsibilidad ng QCPD o ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon City, kung hindi ito ay responsibilidad ng bawat QCitizen. Kaya maging alerto sang lahat, ingatan ang mga personal na gamit, at planuhing mabuti ang pagbisita sa mga sementeryo.

Panawagan din ng QCPD na kung may makitang kaduda-dudang kilos o sa oras ng emergency, huwag mag-atubiling mag-report sa pinakamalapit na Police Assistance Desk o tumawag sa E911 o QC Helpline 122. Ang ligtas at maayos na paggunita ay magmumula sa disiplina at pagtutulungan ng bawat isa sa atin.