Advertisers
IDADAAN ng House Committee on Health sa executive session ang pagsilip sa tunay na presyo ng mga COVID-19 vaccine na binili ng gobyerno.
Ito’y matapos igiit ng mga opisyal ang confidentiality agreement sa manufacturers ng bakuna.
Bahagi ito ng nakaraang imbestigasyon ng Kamara hinggil sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Quezon Rep. Angelina Helen Tan, chairperson ng komite, bukod sa pagiging ligtas at epektibo, nais nilang alamin kung cost-effective ang biniling bakuna.
Sa ganitong paraan, matutukoy anya kung abot-kaya ang Covid-19 vaccines para sa mga Pilipino sakaling magkaroon ng pagkakataon na maari silang pumili ng bakuna kung sariling gastos.
Una nang lumabas sa mga report na mas mura ang Sinovac COVID-19 vaccine sa Indonesia kumpara sa halaga nito dito sa Pilipinas na aabutin ng P3,600.
Ngunit itinanggi ito ni vaccine czar Carlito Galvez.
Bagama’t hindi nagbigay ng eksaktong halaga, sinabi ni Galvez na hindi nalalayo ang presyo nito sa procurement cost ng Indonesia na $13.57 o katumbas ng P652. (Henry Padilla)