Advertisers
NAKAKAPAGTAKA itong Makabayan Bloc dahil sa kanilang patuloy na pananahimik matapos aminin mismo ng New People’s Army (NPA) ang pagpatay sa dalawang sibilyan ngayong buwan na malisyosong binansagang mga “espiya” ng pamahalaan diyan sa may Negros.
Ang mga biktima, sina Jomy Pelarta at Raul Loterio, ay brutal na pinaslang noong Nobyembre 6 at Nobyembre 13. Inako ng Romeo Nanta Command ng NPA ang responsibilidad sa mga krimeng ito, na nagdaragdag sa kanilang nakapanlulumong rekord ng hindi bababa sa 15 pagpatay sa mga sibilyan simula 2024. Ibinunyag din niya na sa mga nakaraang taon, nasa 20 pang “spy-tagging” killings ang isinagawa ng naturang teroristang grupo.
Ang mga ‘spy-tagging’ executions ng NPA ay purong terorismo na nagkukubli sa anyo ng rebolusyon. Ito ay lubos na kasuklam-suklam. Ngunit higit na nakakabahala ang nakabibinging katahimikan mula sa mga nagpapakilalang tagapagtanggol ng karapatang pantao, ang Makabayan bloc dyan sa Kongreso.
“Hindi lang nakadidismaya ang kanilang pananahimik—ginagawa nitong kakutsaba sila sa pagpapatuloy ng takot at kawalang-pananagutan. Gaano ba sila kabulag sa ideolohiya na hindi nila makita ang paghihirap ng mga taong kunwari’y ipinaglalaban nila?” ang sabi sa akin ni Prosecutor Chris Gonzales ng Joint Regional Task Force 6 – Ending Local Communist Armed Conflict (JRTF6-ELCAC).
Mariing kinondena ni Gonzales ang ganitong katahimikan ng Makabayab bloc, na nagpapakilalang mga human rights advocates pa naman.
Direktang hinamon ni Gonzales ang mga umano’y human rights defenders at ang Makabayan Bloc sa Kongreso at
inakusahan niya ang mga enabler na inuuna ang makitid na agenda pampulitika kaysa sa buhay at kapakanan ng mga taga-Negros.
“Kung tunay silang tumatayo para sa karapatang pantao, dapat nilang kondenahin ang anumang uri ng karahasan at terorismo—walang labis, walang kulang. Ang kanilang katahimikan ay nagsasalita nang mas malakas at inilalantad ang tunay nilang pinapanigan,” wika ni Gonzales.
Ako man, ay hinahamon din ang Makabayan bloc, na kundinahin ninyo ang ganitong karahasan ng kaalyado niyong NPA.
Hinimok niya ang Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng motu proprio investigation sa mga pagpatay ng NPA, lalo’t lantaran nitong ipinagmamalaki sa kanilang sariling website ang mga ginawang pagpaslang. Ipinaalala niya sa komisyon ang obligasyon nitong imbestigahan ang ganitong uri ng paglabag.
Siguro isama ko na din ang aking hiling na makialam na dito ang Commission on Human Rights (CHR) para mapanagot ang NPA pati na ang mga sumusuporta sa kanila, gaya ng Makabayan bloc.
May kapangyarihan naman ang CHR para tukuyin ang mga tumutulong sa pagpatay ng mga inosenteng sibilyan.