Advertisers
Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes, Pebrero 3, ang groundbreaking ng bagong San Nicolas Health Center, na inilarawan niyang patunay na ang epektibong pamumuno ay may kaakibat na malinaw na direksyon at tiyak na mga deadline.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Isko na nag-ugat ang proyekto sa kanyang personal na inspeksyon sa lumang San Nicolas Health Center na kanyang nakitang nasa hindi na maayos na kalagayan. Dahil dito, agad niyang ipinag-utos ang isang teknikal na pagsusuri sa halip na umasa lamang sa mga ulat.
“Pag-alis na pag-alis ko, sabi ko kay Andres, ‘Bisitahin niyo na ‘yun. Padala mo ‘yung inhinyero. Tingnan ninyo anong magagawa natin, then you come up with the report within 48 hours,’” ani Domagoso.
Ayon sa alkalde, una umanong iminungkahi ang mga pansamantalang solusyon tulad ng pag-aayos ng alulod at pagtanggal ng amag, ngunit kanyang tinanggihan ang mga ito dahil hindi aniya sapat para sa pangmatagalang pangangailangan ng pasilidad.
“Eh ‘di Band-Aid ‘yung gagawin natin?” ani Moreno, habang ikinukuwento ang kanyang naging tugon. Sa halip, inatasan niya si City Engineer Armand Andres na ituon ang pansin sa disenyo at pangmatagalang kondisyon ng gusali, at huwag unahin ang isyu ng pondo.
“Huwag mo intindihin ‘yung pera, intindihin mo ‘yung drawing,” dagdag niya. “Tingnan mo kung paano magiging maayos ang lugar na kung saan ang kapwa natin naglilingkod sa bayan, lalo na sa pangkalusugan.”
Ibinahagi rin ng alkalde na naging posible ang pondo ng proyekto matapos matukoy ng lungsod ang mga pondong maaaring ilaan, na agad niyang ipinag-utos na gamitin para sa San Nicolas Health Center. Pinuri rin niya si City Treasurer Paul Vega sa pag-asikaso ng proseso.
“Nakita natin ‘yung mga ilang nakatagong pera ng lungsod na nagkaroon ng interes at nakuha natin ulit,” ani Domagoso. “Sabi ko (kay City Treasurer), ilaan mo sa San Nicolas Health Center.”
Ang seremonya ay hudyat ng ganap na redevelopment ng pasilidad na magsisilbi sa mga residente ng San Nicolas at mga karatig na komunidad sa ikatlong distrito ng Maynila. Ayon sa inaprubahang disenyo, magkakaroon ang bagong health center ng reception area, consultation room, minor surgery room, botika, medical technology room, at dental office.
Layunin ng proyekto na mapabuti hindi lamang ang serbisyong medikal para sa mga pasyente kundi pati ang kondisyon sa trabaho ng mga health worker na nakatalaga sa pasilidad.
Binigyang-diin din ni Domagoso na ang kanyang mga kautusan ay laging may kaakibat na takdang panahon upang masigurong agad itong naipatutupad. Dagdag pa niya, kahit sa kakulangan ng agarang pondo, inaasahan ang mga opisyal ng lungsod na humanap ng legal na paraan upang maihatid ang kinakailangang serbisyo.
“Wala tayong pera. Kaya lang, pinalaki ako ng nanay ko na marunong magpiga ng bimpo,” ani niya. “Hanggat may mapipiga sa ikabubuti ninyo.”
Sinabi rin ng alkalde na ang mga proyekto sa pasilidad pangkalusugan ay isinasagawa sa koordinasyon sa pambansang pamahalaan upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan. Aniya, ang mga disenyo ay dumaraan sa beripikasyon ng Department of Health (DOH) bago ipatupad.
Dumalo rin sa okasyon sina OIC–City Health Officer Grace Padilla, mga konsehal ng lungsod, mga kawani ng San Nicolas Health Center, barangay health workers, at barangay nutrition workers.
Tiniyak ni Domagoso sa mga health worker na responsibilidad ng pamahalaang lungsod ang pagbibigay sa kanila ng ligtas at maayos na lugar ng trabaho, habang ang pagbibigay ng may malasakit at mapagkalingang serbisyo nasa kanilang mga kamay.
“Kami ay nag-iinvest sa inyo, ang City Government ninyo, para magkaroon kayo ng mas maayos na working environment,” ani Domagoso. “Ipakita ninyo ‘yung pagmamahal, pagmamalasakit. Ipakita ninyo sa kanila ‘yung pasensya.” (BP)