Cong. Panaligan at Umali, muling itinutulak ang pag-upgrade sa OMPH na gawing MIMAROPA regional hospital
Advertisers
Pinapabilis na nina Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan C. Panaligan at 2nd District Rep. Alfonso V. Umali Jr. sa kongreso ang pagtatayo ng isang regional hospital para sa buong MIMAROPA para mapaganda ang serbisyo sa buong rehiyon.
Naghain ang dalawang kongresista ng separate bills upang i-convert na ang kasalukuyang Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) sa Calapan City bilang isang regional hospital na tatawaging MIMAROPA Regional Hospital. Dagdag tulong ang pagtatayo nito upang punan ang pangangailangang medikal ng ibang bayan at probinsya sa buong MIMAROPA.
Nitong biyernes Feb. 20, nagkaroon ng deliberasyon ang House Committee on Health sa House Bill No. 136 at House Bill No. 2678 na inihain nina Panaligan at Umali na nagmumungkahi na gawing regional hospital ang OMPH sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Inaprubahan ng komite ang dalawang panukalang batas at iuulat sa plenaryo para sa pag-apruba sa ikalawa at ikatlong pagbasa bago ipadala sa Senado dahil nauna nang naaprubahan ito noong 18th at 19th Congress ngunit nakabinbin ito sa Senado dahil sa pagtutol ng pamahalaang panlalawigan, ang binigyang diin ng dalawang mambabatas.
Kaya muling itinutulak ng dalawang kongresista ang House Bill No. 2116 at House Bill No. 2678 na naglalayong gawin ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) Regional Hospital ang kasalukuyang Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
“Ang kasalukuyang provincial hospital ay isang service and training-oriented tertiary medical facility na pinamamahalaan ng provincial government,” – ani Panaligan.
Sinabi ni Panaligan na ang kapasidad ng ospital na 150-bed ay nagsisilbing “catchment hospital” para sa mga pasyenteng nangangailangan ng tertiary specialty na pangangalagang medikal mula sa mga satellite hospital at mga rural health unit sa lalawigan at mga karatig na lalawigan.
“Ang mga pasyenteng may malubhang kondisyong medikal mula sa mga lalawigan ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan ay dinadala sa ospital na ito,” – dagdag pa ng mambabatas
Iminungkahi ng dalawang kongresista na ang nakaplanong regional hospital ay nasa ilalim ng kontrol at superbisyon ng Department of Health (DOH) para i-upgrade ang mga pasilidad nito.
Sa ilalim ng DOH, inaasahan nina Panaligan at Umali na magkakaroon ng mas magandang serbisyo, karagdagang kawani, kumpletong pasilidad at kagamitan ang ospital.
Maliligtas aniya sa lokal na pulitika ang panukalang ospital sa ilalim ng DOH.
Ang MIMAROPA, na binubuo ng mga lalawigan ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan, ay isa sa ilang rehiyon sa bansa na walang DOH-operated regional hospital.
Ayon kay Panaligan ang pag-upgrade ay mapapabuti ang pag-access sa pangangalagang pangkalusugan para sa humigit-kumulang 3.2 milyong residente ng Mimaropa, lalo na ang mga mula sa mga komunidad na mababa ang kita.
Panahon na upang magkaroon ng DOH hospital sa Oriental Mindoro at ang conversion ng OMPH ang pinakamabilis na sulusyon sa usaping ito. Mismo!
***
Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com